John Wall,D'Angelo Russell

Division title sa Wizards; Ika-60 panalo nasakop ng Warriors.

HOUSTON (AP) — Kontra sa isa sa pinakamatikas na title contender, napanatili ng Golden State Warriors ang tikas at lupit kahit wala ang isa sa pambato nilang si Kevin Durant.

Hataw si Stephen Curry sa naiskor na 32 puntos, habang tumipa si Klay Thompson ng 25 puntos para sandigan ng pamosong ‘Splash Brothers’ ang 113-106 panalo ng Warriors kontra sa Houston Rockets nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ratsada ang Warriors sa naiskor na 37 puntos sa first quarter at hindi nakatikim ng paghahabol tungo sa ika-60 panalo ngayong season.

Tangan ang 60-14 marka, nanatiling nangunguna sa liga ang Warriors at tumibay ang kapit sa No.1 seed sa Western Conference playoff.

HEAT 97, PISTONS 96

Sa Auburn Hills, Michigan, naisalpak ni Hassan Whiteside ang tipped in sa buzzer para mailusot ang Miami Heat kontra Detroit Pistons.

Naglaro na may balot ng benda ang kanang kamay bunsod ng 13 tahi na natamo niya may isang linggo na ang nakalilipas, ginamit ni Whiteside ang kaliwang kamay para maisalpak ang winning basket mula sa mintis na tira ni Goran Dragic. May nalalabing 11 segundo ang Miami para sa final play, ngunit nagmintis ang unang pagtatagka ni James Johnson. Nakuha ni Dragic ang bola sa rebound, subalit paltos din ang kanyang tira bago naunahan ni Whiteside sa puwestuhan si Andre Drummond para sa winning tip.

Nabuhayan ng bahagya ang kampanya ng Miami (36-38) para sa ikawalo at huling playoff spot sa Eastern Conference na pinagaagawan nila ng No. 9 Chicago at No. 10 Detroit.

Nanguna si Dragic sa Heat sa nakubrang 28 puntos, habang humirit si Whiteside ng 17 puntos at siyam na rebound.

Kumubra si Kentavious Caldwell-Pope ng 25 puntos sa Pistons.

WIZARDS 118, LAKERS 108

Sa Los Angeles, umarya ang Washington Wizards, sa pangunguna ni John Wall na kumana ng 34 puntos, sa fourth quarter para pabagsakin ang Lakers at makopo ang Southeast Division title sa unang pagkakataon sa nakalipas na 38 taon.

Naitala ni Wall ang 14-of-25 at nalimitahan si Bradley Beal sa naiskor na 16 puntos mula sa 7-of-16 shooting, ngunit nagpakatatag ang Wizards para pawiin ang mahabang panahong pagkauhaw sa division title.

"I didn't know that," pahayag ni coach Scott Brooks. "Now we're fighting for playoff positioning."

Huling nakamit ng prangkisa – kilala noon bilang Bullets – ang division title noong 1978-79 season. Nakamit nila ang tanging kampeonato noong 1978 at nabigo sa back-to-back noong 1979 sa Seattle SuperSonics.

Hataw si D'Angelo Russell sa Los Angeles na may 28 puntos at nag-ambag si Jordan Clarkson ng 22 puntos.

TRAIL BLAZERS 122, NUGGETS 113

Sa Portland, Oregon, nailista ni Jusuf Nurkic ang career-high 33 puntos at 16 rebound laban sa dating koponan, habang nagsalansan si CJ McCollum ng 39 puntos para patatagin ang kapit sa No.8 spot sa Western Conference.

Nanguna si Jameer Nelson sa Denver na may 23 puntos.

Samantala, pinalamig ng Atlanta Hawks ang Phoenix Suns, 95-91; nabalahibuan ng Minnesotta Timberwolves ang Indiana Pacers, 115-114; naghari ang Milwaukee Bucks sa Charlotte Hornets, 118-108; winasak ng Philadelphia 76ERS ang Brooklyn Nets, 106-101.