Patuloy na lumalawak ang suporta ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa plano ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang matupad ang multimodal express na light rail transportation at ferry boat system na bibiyahe mula sa Pasig River hanggang sa Laguna de Bay.

Inatasan na ni Department of Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno ang mga alkalde ng Metro Manila na tumulong upang maiwasang magtapon ng basura ang mga nakatira sa magkabilang gilid ng Pasig River.

Nakipag-ugnayan na rin si Department of Tourism-National Capitol Region (DoT-NCR) Director Benjamin Santiago kina PRRC Executive Director Jose Antonio E. Goitia at LLDA General Manager Jaime C. Medina para sumuporta sa planong muling buhayin ang makasaysayang ruta, na inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng turismo sa Metro Manila hanggang Southern Tagalog.

Nagpahayag din ng buong suporta sa proyekto si Quezon City Rep. Alfred Vargas III, habang nangako naman si Senate President Aquilino Pimentel III na pag-aaralan kung paano mapalalakas ang PRRC.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Masimulan lang ang proyekto ng PRRC at LLDA na light rail transportation at ferry boat system mula Pasig hanggang Laguna de Bay ay napakahalaga na dahil ito ang tiyak na lulutas sa malubhang traffic sa Metro Manila, dahil magagamit ng may 15 milyong commuters mula sa NCR hanggang sa Southern Tagalog,” ani Goitia. - Beth Camia