Biglang nagliyab ang isang residential area sa Sampaloc Maynila na ikinasugat ng tatlong katao at 40 pamilya ang nawalan ng tirahan, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Annalyn Café, 29, nagtamo ng sugat sa kanang hita; at mga bomberong sina Cris Salva, 29; at Justine Ramos, 24.
Sa ulat ng Manila Fire Protection, bandang 4:21 ng madaling araw sumiklab ang apoy sa Algeciras Street, kanto ng Dimasalang St., Sampaloc.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog, sinasabing nagmula sa bahay ng isang Boy Ramos, bago idineklarang under control, dakong 6:17 ng umaga.
Ayon sa mga fire investigator, posibleng ilegal na koneksiyon sa kuryente ang sanhi ng sunog ngunit kinukumpirma pa nila ito.
Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng ari-ariang natupok. (Mary Ann Santiago)