SA mga sangay ng pamahalaan, maituturing na ang barangay ang pinakamaliit na unit na nagseserbisyo sa mga mamamayan, subalit ‘wag na ‘wag nating mamaliitin ang “higanteng papel” nito lalung-lalo na sa pagpapalaganap ng katahimikan sa buong bansa.
Nito lamang nakaraang Lunes, kundi marahil sa sinasabi kong “papel” na ito ng mga taga-barangay, ay hindi maaaresto ang isang aktibong miyembro ng teroristang grupong Maute. Ang grupong ito ay makailang ulit nang nagtangkang maghasik ng lagim sa Metro Manila, sa pamamagitan ng mga sarili nilang gawang bomba na kung tawagin ay Improvised Explosive Device (IED) na sadya nilang iniiwan sa ilang mataong lugar sa Metro Manila, ngunit sa kabutihang palad ay nagmintis at napasakamay agad ng mga pulis na nagpapatrulya sa lugar.
Mismong si Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, district director, Quezon City Police District (QCPD), ang nagbigay ng pagpapahalaga sa “papel” na ginampanan ng barangay sa operasyon nilang ito matapos niyang pasalamatan ang chairman sa lugar kung saan nahuli ang terorista.
“Once again, we at the QCPD would like to extend our sincerest gratitude to the Brgy. Culiat officials led by Chairman Vic Bernardo, the residents and Muslim tribal leaders in Salaam Compound in Culiat for the continuous cooperation and support to the district’s anti-criminality and anti-terrorism program,” ang sabi ni Eleazar.
Ang naarestong terorista na si Nasip S. Ibrahim, 35, tubong Marawi City, ay agad kinasuhan ng mga pulis matapos makumpiskahan ng ilang matataas na kalibre ng baril at mga kagamitan sa paggawa ng bomba.
Sa puntong ito, bigla tuloy pumasok sa aking isipan ang pahayag ng mayor sa isa sa mga isla sa Mindanao— na sumikat dahil sa mga kidnapping ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG)— na minsan kong nakakuwentuhan sa Ermita nang lumuwas siya sa Maynila. Aniya, madali lang mahuli ang mga nangingidnap kung makikipag-ugnayan lang daw sa kanila ang mga militar at pulis na nag-ooperate sa kanilang AOR. “Minsan pa nga pakiramdam ko parang sadyang sa iba nakabaling mga kanyon nila, para walang tamaan sa mga hinahabol nila,” dagdag pa ni Mayor na pailing-iling habang nagkukuwento.
Sa mga sinabi niyang ito, ang... tumimo sa aking isipan: “Mahal namin ang aming lugar, gusto rin naming mamuhay ng tahimik, masagana at maligaya ang aming mga nasasakupan. Handa kaming makipagtulungan basta magtiwala lang sana sila sa amin. Kapag hindi kami tumupad sa usapang makakatulong na mapatahimik ang aming lugar, parusahan agad kami. Suspindehin o tanggalin sa puwesto.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)