TORONTO (AP) — Natuldukan ng Raptors, sa pangunguna ni DeMar DeRozan na nagpasabog ng 42 puntos, ang 11-game losing streak kontra sa Chicago Bulls sa pahirapan at dikdikang laban, 122-120, overtime nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Hataw si DeRozan sa 17-of-38 sa floor at may walong assist, habang kumana si Cory Joseph ng 19 puntos para sa Raptors na naisalba ang pagkakapatalsik kay forward Serge Ibaka matapos makipagpalitan ng suntok kay Bulls center Robin Lopez sa ikatlong period. Nag-ambag si Ibaka ng 16 puntos bago na-technical.
Nanguna si Jimmy Butler sa Bulls sa naiskor na 37 puntos at tumapos si Rajon Rondo na may 24 puntos. Ito ang unang kabiguan ng Chicago sa Toronto mula noong Dec. 31, 2013.
HEAT 112, SUNS 97
Sa Miami, hataw si Hassan Whiteside sa naiskor na 23 puntos at 14 rebound sa panalo ng Heat laban sa Phoenix Suns.
Nag-ambag si Tyler Johnson ng 17 puntos sa Miami (35-36), habang kumana sina Goran Dragic at Josh Richardson ng 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Marquese Chriss sa Phoenix (22-49) sa natipang 24 puntos.
WARRIORS 112, MAVERICKS 97
Sa Dallas, tila nakapag-adjust na ang Golden States Warriors na wala ang premaydong si Kevin Durant nang makopo ang ikalimang sunod na panalo nang gapiin ang Maverics.
Nagsalansan si Klay Thompson ng 23 puntos, tampok ang limang three-pointer para sa ika-28 panalo ng Golden State sa road game ngayong season.
Humirit si Stephen Curry, two-time MVP, ng 17 puntos para masiguro na muling makamit ang division title tangan ang matikas na 57-14 karta. Ang Warriors ang tanging koponan na nakapagwagi ng 28 road game sa tatlong sunod na season.
SPURS 100, TIMBERWOLVES 93
Sa Minneapolis, pinangunahan ni Kawhi Leonard na may 22 puntos ang San Antonio Spurs kontra sa Timbewolves.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge sa nahugot na 26 puntos para sa Spurs, nanatiling tatlong laro ang layo sa nangungunang Golden State para sa No.1 seeding sa Western Conference.
Nagsalansan si Karl-Anthony Towns ng 25 puntos at 14 rebound para sa Timberwolves, habang kumasa si Andrew Wiggins ng 22 puntos.
NETS 98, PISTONS 96
Sa New York, naisalpak ni Brook Lopez ang jumper sa buzzer para maitakas ang Brooklyn Nets kontra sa Detroit Pistons.
Nakikipaglaban sa playoff spot, nagawang mahabol ng Pistons ang double-digit na bentahe ng Nets sa fourth quarter at nagawang maitabla ang iskor sa 96-all mula sa follow up shot ni Tobias Harris may 2.4 segundo sa laro.
Mula sa inbound nakuha ni Lopez ang bola at mabilis na lumapit sa basket para sa winning jumper at kabuuang 29 puntos.
Nanguna si Harris na may 24 puntos sa Pistons, nalaglag ng isang laro sa likuran ng Miami para sa ikawalo at huling playoff spot sa Eastern Conference.
Sa iba pang laro, ginapi ng Milwaukee Bucks ang Portland TrailBlazers, 93-90; pinabagsak ng New Orleans Pelicans ang Memphis Grizzlies, 95-82; at tinambakan ng Los Angeles Clippers ang Los Angeles Lakers, 133-109.