MUKHANG nagiging barya-barya na lang ang paghahain ngayon ng reklamong impeachment sa Pilipinas. Bakit kanyo? Nang maghain ng impeachment complaint si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano laban kay President Rodrigo Roa Duterte dahil umano sa paglabag sa Konstitusyon at extrajudicial killings, atbp, aba biglang bumanat ang lider ng Kamara at plano raw niyang maghain ng reklamo laban naman kay Vice Pres. Leni Robredo dahil nasa likod daw siya sa aksiyong ginawa ni Alejano.

Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Huwag ninyong gawing bobo ang taumbayan. Ang reklamo ni Alejano ay lehitimong paghahayag ng umano’y mga paglabag ng Pangulo sa Saligang-Batas samantalang ang kay VP Leni ay bunsod lang ng hinalang kasama siya sa paghahain ng impeachment complaint ni Alejano.” Kaybabaw na dahilan.

Nilinaw mismo ni Alejano na ang kanyang aksiyon ay sa kanya lang at sa Magdalo Party at walang kinalaman dito si VP Leni. Bakit laging isinasangkot si “beautiful lady” sa destabilization gayong mismong si Mano Digong ang nagpahayag na hindi kasali si VP Leni sa naghahangad na siya’y maibagsak sa puwesto. Nagkamayan pa silang dalawa sa PMA graduation kamakailan at humingi pa ng apology si PRRD nang malimutang banggitin si VP sa talumpati.

Marami ang naniniwalang kapag itinuloy ang planong ito ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, baka mangyari ang kasabihang “The last straw that broke the camel’s back.” O sa wika ni kabayang Balagtas, magiging simula ito ng pagkagalit ng mga Pinoy laban sa ibinoto nilang pangulo noong 2016 sa paniniwalang para sa mamamayan ang paglilingkod sa bayan at hindi ang pagkakalat ng inhustisya, kamay na bakal sa mga kritiko at oposisyon, at mala-sangganong administrasyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil may super majority coalition sa Mababang Kapulungan, taglay ng House of Alvarez, este House of Representatives, ang sapat na numero o puwersa ng bilang upang ma-impeach ang sino mang pinuno ng gobyerno na nais nilang mapatalsik, tulad ng VP at mga opisyal ng constitutional bodies gaya ng Office of the Ombudsman, Commission on Elections, atbp.

Itinanggi ni VP Robredo ang paratang ni Speaker Bebot na nasa likod siya ng impeachment complaint na inihain ni Alejano. Ayon kay Alvarez, maaaring nagtaksil ang biyuda ni ex-... DILG Sec. Jesse Robredo sa public trust nang ipadala ang isang video message sa United Nations na bumabatikos sa drug war ni PDu30, na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 7,000 suspected drug pusher at user.

Ang “Betrayal of public trust” ay isa sa mga dahilan sa Constitution upang ma-impeach ang isang pinuno ng gobyerno, tulad ng pangulo, pangalawang pangulo at mga hepe ng constitutional bodies. Gayunman, matatalino na ngayon ang mga Pinoy. Hindi na sila tanga at illiterate na basta na lang “kakagatin” ang kagustuhan ng mga nasa poder. Walang duda, popular pa si Mano Digong, nakuha niya ang imahinasyon at simpatiya ng mga tao noong May 2016 elections, pero sa pag-usad ng mga araw at pagkamatay ng mahigit 7,000 pusher at user na marami raw ang extrajudicial, mukhang nawawalan na ng gana at simpatiya ang mga ito. Totoo ba ito? Para sa akin, suportahan pa rin natin ang Pangulo para sa kabutihan ng bayan! (Bert de Guzman)