DAVAO CITY – Nagkakaisa ang mga local government unit (LGUs) sa Mindanao ang pangangailangan na makuha ang itinatadhana ng batas na limang pursiyento sa buwanang income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) para matustusan ang programa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sa pagtatapos ng directional meeting sa LGUs, nagkakaisa ang mga kalahok at lumagda sa Manifesto of Support sa PSC para hilingin sa Pangulong Duterte na makamit ang matagal nang pondo na hindi napapakinabangan ng atletang Pinoy.
Sina Tagum City Mayor Allan Rellon at Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang nanguna sa pagbuo ng manifesto na nakatanggap ng suporta at lagda mula sa 150 kalahok na kinabibilangan ng city at municipal mayors, vice-governors, provincial board members, city councilors at sports coordinators mula sa 50 LGUs sa pulong na ginanap sa Pinnacle Hotel and Suites dito.
Nakasaad sa manifesto ang pangangailangan ng PSC na makuha ang pondong itinatadhana ng batas mula sa Pagcor upang matustusan ang pangangailangan ng mga atleta, gayundin ng mga programa ng pamahalaan sa grassroots level, higit at binuhay ng ahensiya ang Executive Order No. 63 nilagdaan noong Marso 1, 1993 para s apagbuo ng Provincial, City, Municipal and Barangay Physical Fitness and Sports Development Councils (PFSDC); gayundin ang EO No. 64 o ang pagsulong ng “Sports for All” program.
Iginiit ng Mindanao LGUs na malaki ang maitutulong ng naturang pondo para mas mapaigting ang programa ng sports sa lalawigan at sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, 2.5 porsiyento lamang ang nakukuha ng PSC imbes na limang porsiyento na siyang nakasaad sa Section 26 ng Republic Act No. 6847.
“Sports development should be felt in all corners of the country,” pahayag ni Rellon, vice president ng League of Cities of the Philippines.
“The manifesto of support, what the mayors are trying to do is very positive for us. Our commitment is there but with lack of funds we could not bring the trained coaches to hold sports programs in all areas of Mindanao that seek community-based sports development programs,” pahayag naman ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez.