Warriors, balik panalo sa kaarawan ni Curry; Cavs, wagi.
OAKLAND, California (AP) — May dahilan para sa magarbong pagdiriwang sa kaarawan ni Stephen Curry.
Sa ika-25 kaarawan ng two-time MVP, nakabangon ang Warriors sa 16 puntos na paghahabol at nagpakatatag sa krusyal na sandali para maitakas ang 106-104 panalo kontra Philadelphia Sixers nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Kusang isinablay ni Dario Saric ang ikalawang free throw may 2.6 segundo ang nalalabi para sa posibleng rebound, ngunit nakuha ni Curry ang bola at makumpleto ang matikas na panalo na pumutol sa kanilang three-game losing skid.
Tulad sa mga nakalipas na kabiguan, hirap si Curry sa three-pointers, ngunit naisalpak niya ang importanteng tira may 5:38 sa laro at naulit sa huling 3:42. Nasundan ni Matt Barnes ang opensa sa isa pang three-pointer para sa 104-99 bentahe.
Nanguna si Klay Thompson sa naiskor na 28 puntos, habang kumubra si Draymund Green ng 20 puntos, walong assist, walong rebound at anim na block para sa Warriors.
CAVALIERS 128, PISTONS 96
Sa Cleveland, nailista ni LeBron James ang ika-52 career triple-double, habang tumipa si Kyrie Irving ng 26 puntos sa panalo ng Cavaliers kontra Detroit Pistons.
Nakuha ni James ang ika-10 triple-double ngayong season may 3:45 ang nalalabi sa third quarter. Tumapos ang four-time MVP ng 16 puntos, 11 rebound at 12 assist.
THUNDER 122, NETS 104
Sa New York, nailista ni Russell Westbrook -- 25 puntos, 19 assist at 12 rebound – ang ika-33 triple-double ngayong season sa panalo ng Oklahoma City kontra Brooklyn Nets.
Umani ng masigabong palakpakan si Westbrook na sa kabila ng mababang 6-of-18 field goal ay nagawanang maging dominante sa kabuuan ng laro.
Nag-ambag si Victor Oladipo ng 21 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Thunder, habang nag-ambag sina Enes Kanter at Brooklyn native Taj Gibson ng tig-17 puntos.
Nanguna sa Brooklyn si Brook Lopez na may 25 puntos at nagsalansansan si Jeremy Lin ng 24 puntos para sa Nets.
KNICKS 87, PACERS 81
Sa New York, ginapi ng Knicks, sa pangunguna nina Carmelo Anthony at Derrick Rose, ang Indiana Pacers.
Nagtamo naman ng injury sa kaliwang paa si Knicks forward Kristaps Porzingis sa third period, habang nag-ambag si rookie Willy Hernangomez sa nahugot na 13 puntos at 16 rebound.
Hataw si Paul George sa naharbat na 22 puntos para sa Pacers, bigong patatagin ang kapit sa No.6 sa Eastern Conference. Nag-ambag si Myles Turner ng 17 puntos at 12 rebound.
Sa iba pang laro, pinalamig ng New Orleans Pelicans ang Portland Trailblazers, 100-77.