Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal niyang kakilala ang may-ari ng Might Corp. na si Alex Wongchuking.
Sa kanyang talumpati sa ika-35 anibersaryo ng kanyang partidong PDP-Laban, sinabi ni Duterte na siya at si Wongchuking ay mga adopted member ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1967.
“Parang mistah ko ‘yan. Class 1967 sa PMA, adopted kaming dalawa. Kilala ko ‘yan,” pag-amin ng Pangulo.
Ikinuwento ni Duterte na lumapit sa kanya si Wongchuking noong siya ay alkalde pa ng Davao City, at humiling na ilakad ito sa isang tao. Gayunman, ayon kay Duterte, tinanggihan niya ang hiling nito at sa halip ay niyaya itong kumain kasama si Bong Go, na ngayon ay Special Assistant to the President (SAP) na.
“Sabi ko sa kanya, ‘Huwag ‘yan, huwag ‘yan. Hindi ko trabaho ‘yan. Kain lang tayo, mistah,”’ pagbabalik-tanaw ni Duterte.
Pagpapatuloy niya, kaagad na umalis si Wongchuking ngunit nag-iwan ng isang package. Nang pabuksan ni Duterte ang kahon kay Go ay nagulat siya sa laman nito.
“‘Ano ito? Tingnan mo, Bong.’ Pera. ‘[Expletive], isauli mo ‘yan sa [expletive] ‘yan. Hanapin mo,’” kuwento niya.
Sinabi ni Duterte na nakatala ang insidenteng ito.
Binanggit din ng Pangulo na niregaluhan siya ni Wongchuking ng baril nitong Pasko ngunit kaagad din niya itong ipinabalik.
Nasa balag ng alanganin ngayon ang Mighty Corp. matapos diumano’y mameke ng mga tax stamp na nagkakahalaga ng P1.5 bilyon. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)