110317_PMA_Traditional_Dunking_06_JJLandingin copy

CABANATUAN CITY - Likas na masikap sa pag-aaral si Rovi Mairel Martinez, ang 22-anyos na dalagang taga-Cabanatuan City, na magtatapos na valedictorian sa Philippine Military Academy (PMA) Class 2017 ngayong Linggo.

Ayon sa ama na si Mariel Martinez, kagawad ng Barangay Bangad, Cabanatuan City, consistent honor sa eskuwela si Rovi Mairel bago kumuha ng entrance exam sa PMA noong Agosto 2012. Sa panahong iyon, nasa ikatlong taon na ang dalaga sa kursong Bachelor of Science in Accountancy sa Araullo University, kung saan academic scholar siya.

“Masipag siyang mag-aral,” buong pagmamalaking puri ni Mariel sa anak. “Gusto niya ‘yun (magsundalo), kaya sinuportahan namin siya.”

Human-Interest

Listahan ng Kasalang Bayan sa Metro Manila ngayong Pebrero 2025!

Si Rovi Mairel ang nanguna sa 167 miyembro ng PMA SALAKNIB Class of 2017 na magtatapos ngayong Linggo, Marso 12, sa PMA sa Baguio City, na dadaluhan ni Pangulong Duterte, na siyang magkokomisyon sa kanila.

Gayunman, inamin ng 53-anyos na ina ni Rovi Mairel, si Ruby Martinez, na kinakabahan siya sa pinasok na larangan ng kanyang anak—ang pinakabata sa dalawang magkapatid na babae.

“Lalo na noong una siya sa training, namayat siya talaga,” kuwento ni Ruby tungkol sa kanyang bunso.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Rovi Mairel na naging inspirasyon niya ang kanyang ama, na nagsikap ngunit nabigong makapasok sa militar. (Light A. Nolasco)