KUNG totoong ang illegal drug trade sa Pilipinas ngayon ay umaabot na sa P20 bilyon hanggang P500 bilyong industriya, hindi nakapagtatakang maaaring gamitin ito ng mga drug lord para ma-destabilize ang Duterte administration o mapabagsak si President Rodrigo Roa Duterte sa kanyang puwesto.
Sinabi noong Biyernes ni Sen. Alan Peter Cayetano na nakakasama ng drug lords sa destabilization ang ilang human rights organization at iba pang mga grupo na marahil ay hindi alam ang ganitong pangyayari. “There’s an ongoing destabilization. While there are really human rights advocates raising legitimate concerns, there are drug lords riding on this, there is also politicking involved,” saad ni Cayetano.
Hinangaan si Sen. Alan noong kasama niya sina Sen. Pres. Koko Pimentel at Antonio Trillanes IV sa imbestigasyon laban kay ex-VP Jojo Binay tungkol sa umano’y mga anomalya nito. Pero sapul nang kumambiyo at sumama kay Mano Digong at sa pagtatanggol sa Pangulo kahit pinagmumura ang mga pari at obispo, gusto sa China kahit inookupahan ang ating mga reef, nawalan ng gana ang mga tao sa kanya. Sayang daw ang kanyang talino at galing sa Lehislatura.
Sampu na ang apo ni PDu30. Tuwang-tuwa si Lolo Digong sa bagong apo na si Stonefish, anak nina Mayor Sara Duterte-Carpio at lawyer Mans Carpio. Ang buong pangalan ni Stonefish ay Marko Digong Duterte Carpio. Lima ang apo niya kay Vice Mayor Paolo Duterte at dalawa naman kay Baste (Sebastian) na parang nagmana sa ama sa hilig sa babae.
Ayaw tantanan ng Pangulo ang Simbahang Katoliko na laging inaakusahan ng pagiging mapagkunwari (hypocrite). Nagtataka ang mga Pinoy kung bakit galit na galit siya sa mga pari at obispo gayong aminado naman ang Simbahan na may mga pari at obispo na bakla, pedophile, tiwali at sangkot sa panghahalay.
Katulad din ito sa gobyernong Duterte na ipinangako niyang magiging malinis, walang kurapsiyon. Pero, tulad ng Simbahan, ang gobyerno ni Pres. Rody ay nababahiran din ng kurapsiyon, gaya ng pagkakasangkot ni ex-NIA administrator Peter Lavina at ng 2 deputy commissioner ng... Bureau of Immigration sa P50 milyong suhol mula kay Jack Lam. Kung ganoon, ibig bang sabihin nito ay masama, marumi at tiwali ang gobyerno ni PDu30? Huwag sana niyang lahatin ang Simbahang Katoliko dahil hindi lahat ng pari at obispo ay masasama at corrupt.
Patuloy umanong magpapatrulya ang Amerika sa West Philippine Sea (South China Sea) na inaangkin ng China upang matiyak ang kalayaan sa paglalakbay (freedom of navigation) doon. Ito ang inihayag ni US Admiral James Kilby, lulan ng aircarft carrier USS Carl Vinson, kasama ang Filipino journalists. Ang dambuhalang warship ay may lapagan at liparan ng F-18 fighter jets. Ayon kay Kilby, hindi magbabago ang US involvement sa WPS o SCS. “We will be here,” sabi ni Kilby.
Kaya lang, nagtataka ang mga Pilipino kung bakit hinahayaan ni PRRD ang China sa patuloy na pag-okupa sa ating mga reef gayong panalo ang ‘Pinas sa arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands. Kapag nanatiling tameme si Pres. Rody sa agresyon ng China sa WPS at hindi umaksiyon, baka balang araw ay sakop na ng dambuhalang China ang mga teritoryo natin sa karagatan! (Bert de Guzman)