Spurs, nakasiguro ng playoff sa ika-20 sunod na season; Cavs, nalapnos sa Heat.

MIAMI (AP) — Sinamantala ng Miami Heat ang pamamahinga nina LeBron James at Kyrie Irving para maiposte ang 120-92 panalo kontra Cleveland Cavaliers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Namyesta sa opensa sina Goran Dragic at Hassan Whiteside sa naiskor na 23 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod. Hataw din si Tyler Johnson sa natipang 17 puntos para sa Heat, nagwagi sa ika-18 sa huling 22 laro.

Hindi pinaglaro sina LeBron at Irving ng Cleveland coaching staff bilang bahagi sa ipinapatupad na ‘night off to rest’. Naitala ng Cavaliers ang 0-5 ngayong season sa sandaling wala sa line-up si James. Kapwa naman may injury sina Cavs forward Kevin Love at J.R. Smith, habang hindi pa pinaglaro ang bagong recruit na si center Andrew Bogut.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna sa Cavs si Channing Frye sa natipang 21 puntos, habang kumana si Kyle Korver ng 15 puntos.

SPURS 97, TIMBERWOLVES 90, OT

Sa San Antonio, nagsalansan si Kawhi Leonard ng 34 puntos at 10 rebound para sandigan ang Spurs kontra Minnesota at itarak ang ika-20 sunod na season na makausad sa playoff.

Ito ang ika-10 overtime win at ikalawang sunod ng Spurs ngayong season pata hilahin ang winning streak sa pito.

Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 18 puntos at 10 rebound para sa Spurs, habang kumubra si Pau Gasol ng 17 puntos at walong rebound sa ikalimang sunod na laro bilang reserve.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Wolves sa nahugot na 24 puntos at 14 rebound.

CLIPPERS 101, BULLS 91

Sa Chicago, kumawala sa depensa ng Bulls si reserve Jamal Crawford para makatipon ng 25 puntos at gabayan ang Los Ageles Clippers.

Umiskor si Crawford, dating miyembro ng Bulls at tinanghal na ‘Sixth Man of the Year’ sa nakalipas na season, ng 10 puntos sa 14-7 spurt ng Clipper sa fourth quarter para sa ikalawang panalo sa huling anim na laro.

Nag-ambag si Chris Paul ng 17 puntos, habang kumana si Blake Griffin ng 16 puntos para sa Los Angeles.

Nanguna si Jimmy Butler sa Bulls sa naiskor na 16 puntos.

ROCKETS 123, GRIZZLIES 108

Sa Houston, ratsada si James Harden sa natipang 33 puntos, habang kumabig si Clint Capela ng 24 puntos sa panalo ng Rockets kontra Memphis Grizzlies.

Humugot din si Eric Gordon ng 18 puntos kabilang ang anim sa 18 three-pointer ng Houston.

Nanguna sa Grizzlies si Mike Conley na may 23 puntos, habang kumana si JaMychal Green ng 20 puntos.

Sa iba pang laro, sinalanta ng Milwaukee Bucks ang Toronto Raptors, 101-94; pinataob ng Charlotte Hornets ang Denver Nuggets, 112-102; diniskaril ng Detroit Pistons ang Philadelphia Sixers, 136-106.