Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na posibleng pinopondohan ng mga drug lord ang planong destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang lumutang matapos magpahayag si Senator Alan Peter Cayetano noong Linggo na kumikilos rin ang mga drug lord para mapatalsik ang Pangulo at matigil ang kanyang giyera kontra droga.
“Hindi naman kataka-taka ‘yun. Tandaan mo, ang mga drug lords, kalaban nila si Presidente dahil si Presidente eh binubuwag ang illegal drug industry sa ating bansa,” aniya sa Radyo ng Bayan.
Gayunman, sinabi ni Panelo na anuman ang gagawin ng mga drug lord, ay hindi magtatagumpay ang kanilang plano.
“They will use everything in their power to stop the President from this war against drugs. That is expected but I don’t think they will succeed,” aniya.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Cayetano na nag-aabang lamang ng pagkakataon ang mga drug lord, at “kapag nakita nila na may chance na tanggalin si Duterte, makiki-pondo, makikilagay sila diyan.”
(Argyll Cyrus B. Geducos)