ASAP Birit Queens Presscon Photo 2 copy

TINANONG sina Angeline Quinto, Klarisse,Morissette at Jona sa press launch ng kanilang Birit Queens concert tungkol sa lip synchronization o pagli-lip sync.

“Eh, kasi kung singer naman po, hindi naman dapat mag-lip-sync, di ba po?” opinyon ni Angeline. “Parang niloloko mo naman ang audience mo, so ngayon, never naman po naming nagawa iyon.”

Aliw ang hirit ni Klarisse na, “Hayaan n’yo po, sa opening namin, lahat kami magli-lip sync.” Kaya nagkatawanan ang press.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Pero may paliwanag si Jona dahil minsan na pala niya itong nagawa.

“Gusto ko lang pong mag-comment honestly, kasi for me kung totoong singer ka, I think hindi po magandang idea na nagli-lip sync ka. Unless mayroon kang malalim na rason po talaga, na ang event ay hindi na pupuwedeng ma-cancel ‘tapos sobrang paos na paos po talaga ‘yung singer.

“Like ako po, sa totoo lang, nagkaroon na ako ng experience na I had to do it na nag-lip sync po ako ng praise worship song kasi naka-set na po talaga ‘yung date na ‘yun na kailangan kong pumunta, nagkataon po na sobrang malat na malat po ako, not feeling well. And since ni-require po nila ako na kahit maysakit ako, ang importante ay pumunta ako at makita ako, kaya ang ginawa ko po ay sinabayan ko na lang ‘yung existing track ng kanta,” matapat na sabi ng mahusay na mang-aawit.

Tinanong si Jona ni Manay Ethel Ramos kung ipinaalam niya na nag- lip-sync siya. 

“Hindi ko na po sinabi kasi wala namang nagtanong. Kaya doon po nag-a-apply ‘yung exception, kapag sobrang emergency, kapag hindi na ma-cancel ang event.”

Walang masyadong maikomento sina Klarisse at Morissette sa lip syncing dahil hindi pa naman nila ito ginawa.

Samantala, tinanong ang ASAP Birit Queens kung ano ang mapapanood sa kanila sa concert nila sa Mall of Asia Arena sa Marso 31, anong klaseng showdown ang gagawin nila, at anu-ano ang kakantahin nila, bukod pa sa hindi ba sila magkakasapawan since pare-parehong lumilipad sa ere ang boses nila?

“Sa isang song po, may kanya-kanya kaming part,” sagot ni Klarisse. “Alam na po namin ang division namin sa isang song and when it comes naman po to harmony, sa tono ay may naka-assign po kung ano po ang gagawin namin kung alto, soprano ba, tinutulungan po kami ni Teacher Annie (vocal coach) at may rehearsal po kami every Saturday para maiwasan po ‘yung sapawan every Sunday (sa ASAP) kasi siyempre kung hindi namin alam ang tono, baka pare-pareho na kami.”

“Hindi naman po uso sa amin ang sapawan,” sabi ni Angeline, “‘yung sinabi ni Klang (Klarisse), totoo po ‘yun kasi may sari-sarili po kaming parts na ginagawa sa kanta kaya hindi kami nagkakasapawan.

“Baka iniisip nila na ‘yung parte ni Morissette o ni Jona ay kukunin ko, hindi po ganu’n, ‘yung dulong part ng song namin ay hindi naman laging big ending, di ba po, so lahat iyon ay ina-assign sa amin. Kaya hindi kami ang puwedeng pumili ng gusto naming part ng song.  

“At ang kantang ginagamit laging showdown ng mga singer ay ‘yung kanta ni Ms. Regine Velasquez na And I’m Telling You, kasi sa YouTube lang, napakaraming biriteras talaga na ginagawa ‘yun.”

Bagamat tinatawag na birit queens sina Angge, Klang, Morissette at Jona, hindi raw nangangahulungan na puro birit songs lang ang alam nilang kantahin. Marami raw silang alam na gawin o nilalagyan nila ng iba’t ibang flavors ang kanta.

“Palagay ko po, pang-front lang namin ‘yung title na Birit Queens kasi ito po ‘yung market namin sa mga sarili namin,” sey ni Jona. “Hindi po porke nabansagan po kaming birit queens ay hanggang doon lang po magagawa namin. May mga genres din po kami na kayang gawin at mai-offer sa mga listener. So, I think, hindi naman po kami malilimitahan ang title na birit queens only.”

“Minsan lang po may mga nagko-comment na kapag birit queens, inaagaw na po namin ‘yung mga title ng senior singers, hindi po,” sabi uli ni Angge. “Kasi, unang-una, hindi naman kami ang nagbigay sa sarili namin ng title na ito, siyempre sa ASAP po nanggaling ang titulo at minsan kapag hindi naman po kami nabigyan ng mga kanta na gagawin sa ASAP na walang part na matataas, nagrereklamo rin ang mga tao, bakit ba kami tinawag na birit queens kung walang maririnig na mataas na part. So gusto lang po naming ipaliwanag na hindi naman kami ang namimili ng mga song kundi ang ASAP. At hindi rin naman po maganda na every Sunday ay puro birit songs ang maririnig.”

Wala silang problema sa billing.

“Para sa akin wala po kasi alam naman po namin kung sino’ng nauna at nahuli,” sabi ni Klarisse.

At ang nakakalokang sagot ni Angeline, “Basta po sa aming apat, pantay-pantay lang po ‘yung TF (talent fee) kesehodang mauna at mahuli, basta kaliwaan po. Hindi lang naman ako ang ganyang mag-isip (sabay lingon sa mga kasama), alam ko, kayo rin dahil lahat tayo may babayarin.”

“Sa akin po walang problema,” salo naman ni Jona. “Katulad nga po ng sinabi ni Klarisse na mayroon pong nauna sa amin. Ako po maski na more than 10 years na ako sa industry, pero rito sa ABS, talagang nauna sa akin si Angge, so I respect the decision of the management.”

“Personally, I have no problem with it, thank you,” nakangiting sabi naman ni Morissette.

Hindi naman talaga dapat nagiging isyu ang billing dahil napakababata pa naman nila at hindi sila tulad ng mga nalilipasan na ng kasikatan na masyadong insecure sa kapwa performer. At unang-una, makikita at maririnig naman sa stage kung sino ang sino, di ba, Bossing DMB?

Kaya sa music fans na gustong makita ang showdown ng ASAP Birit Queens, na aabot daw sa 30 songs ang kakantahin sa March 31, SM MOA, available na ang concert tickets SM ticket outlets. (Reggee Bonoan)