Milwaukee Bucks' Giannis Antetokounmpo  (AP Photo/Jeffrey Phelps)
Milwaukee Bucks' Giannis Antetokounmpo (AP Photo/Jeffrey Phelps)
ATLANTA (AP) — Tila banyera ang rim para sa Cleveland Cavaliers na bumuslo ng NBA regular-season record 25 three-pointer tungo sa 135-130 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 43 puntos, habang tumipa si LeBron James ng 38 puntos para sa dominanteng panalo ng defending champion.

Matapos matapyas ni Paul Millsap ang bentahe ng Cleveland sa 124-123, naisalpak ni Kyle Korver — ipinamigay ng Atlanta sa trade sa Cavaliers nitong Enero 7 – ang record-breaking 3-pointer para selyuhan ang panalo.

Naitala ng Cleveland ang 25 of 46 three-pointer para basagin ang record ng Houston (24) sa 122-100 panalo kontra New Orleans nitong Disyembre 16.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kumana si Tim Hardaway Jr. ng lima sa siyam na three-pointer ng Hawks para sa career-high 36 puntos, habang kumubra si Millsap ng 27 puntos.

RAPTORS 114, WIZARDS 106

Sa Washington, hataw si DeMar DeRozan sa naiskor na 32 puntos, tampok ang krusyal three-pointer at 13 rebound sa panalo ng Toronto Raptors kontra Wizards.

Naitala ni Norman Powell ang season-high 21 puntos, kabilang ang 14 sa fourth quarter para mahila ang Raptors sa sosyong ikatlong puwesto sa Wizards sa Eastern Conference.

Nanguna si John Wall sa Wizards sa naisalansan na 30 puntos, habang timipa si Bradley Beal ng 27 puntos.

SUNS 118, THUNDER 111

Sa Phoenix, siniguro ni Eric Bledsoe na may 18 puntos ang double celebration nang mailuklok si broadcaster Al McCoy sa Ring of Honor at gapiin ang Oklahoma City.

Naibasura ang impresibong 48 puntos at 17 rebound si Russell Westbrook.

Nag-ambag si Alan Williams sa Raptors ng 14 puntos at 13 rebound.

SPURS 101, PELICANS 98, OT

Sa New Orleans, naisalpak ni Kawhi Leonard ang 31 puntos at pumuntos si Patty Mills ng krusyal na three-pointer sa overtime para sandigan ang San Antonio Spurs kontra Pelicans.

Hataw din si LeMarcus Aldridge ng 21 puntos at 15 rebound para sa ikaanim na sunod na panalo ng San Antonio. Dumausdos naman ang New Orleans sa 0-4 mula nang makuha si DeMarcus Cousins sa trade sa Sacramento Kings.

Kumana si Cousins ng 19 puntos at 23 rebound, ngunit nagmintis sa step-back 3-pointer na nagdala sana sa second overtime. Kumubra si Anthony Davis ng 29 puntos, habang umiskor si Jrue Holiday ng 26 puntos para sa Pelicans.

Sa iba pang laro, ginapi ng Boston Celtics ang Los Angeles Lakers, 115-95; hiniya ng Philadelphia Sixers ang New York Knicks, 105-102; tinalo ng Dallas Mavericks ang Memphis Grizzlies, 104-100; pinataob ng Milwaukee Bucks ang Los Angeles Clippers, 112-101; winasak ng Utah jazz ang Brooklyn Nets, 112-97; naungusan ng Orlando Magic ang Miami Heat, 110-99.