ISA sa mga bayan sa Rizal na nagdiriwang ng kanilang kapistahan tuwing unang Linggo ng Marso ay ang Teresa. Ang pagdiriwang ng kapistahan ay tinatawag nilang AMARA Festival. Ang AMARA ay acronym na mula sa mga salitang Adobe, MARmol at Apog na mga likas na yaman ng Teresa. Ang Teresa ay isang maliit na bayan na nasa pagitan ng Antipolo City at Morong na bahagi ng ikalawang distrito ng Rizal. Ang kabayanan ay nasa paanan ng bundok na mayaman sa adobe, marmol at apog na isa sa mga sangkap sa paggawa ng beauty products.

Ang pagdiriwang ng kapistahan ng Teresa ngayong 2017 ay nasa ika-98 taon na at ang AMARA Festival ay nasa pangatlong taon. Ang pagdiriwang ay bahagi ng pasasalamat ng mga mamamayan sa Poong Maykapal sa patnubay ng kanilang patroness na si Sta. Rosa de Lima. Ang selebrasyon ay pagpapahalaga rin sa kanilang tradisyon at kultura.

Bago pa sumapit ang unang Linggo ng Marso, ayon kay Teresa Mayor Palino, iba’t ibang aktibidad ang inilunsad ng pamahalaang bayan, ng mga mamamayan at iba’t ibang samahan sa bayan ng Teresa na bahagi ng AMARA Festival.

Mababanggit ang Barangay Night Ballroom Dance Competition, Timpalak sa Pag-awit, Teresa Got Talent, Drum and Lyre Competition ng mga mag-aaral sa public elementary school, Hiyas ng Teresa Gay Beauty Competition, Street Dancing ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary school sa Teresa, Musiklaban Band concert at ang Basketball Exhibition game ng mga PBA (Philippine Basketball Association) legend at ng team ng Teresa selection. At ngayong umaga ng Marso 5 ay tampok naman ang Misa ng Pasasalamat sa bagong simbahan ng Teresa.

Ang Teresa, ayon sa kasaysayan, ay unang nakilala noong 1732 nang itayo ang Visita de Santa Rosa ng mga misyonerong paring Franciscano sa pangunguna ni Padre San Antonio. Makalipas ang ilang panahon, sa kahilingan ng mga naunang namuno sa Teresa, ang Barangay Prinsa, Barangay Sta. Rosa at Barangay Buhangin ay binuong isang bayan at tinawag na OROQUIETA.

At noong Agosto 10, 1878, pinagtibay naman ng Administracion Civil ang kahilingan ng mga mamamayan na ang dating tawag na Oroquieta ay palitan ng TERESA. May nagsasabi naman na ang pangalan Teresa ay mula sa pangalan ng ina ng isang abogadong Kastila noon na na hindi naniningil ng attorney’s fee o bayad sa mga taga-Teresa. Ang TERESA ay ipinalit sa Oroquieta bilang pasasalamat at paggalang sa butihing ina ng abogadong Kastila na matagal na nanirahan sa Teresa.

Ang unang municipal captain (Mayor) ng Teresa ay si Don Platon Gonzales na taga-Barangay Prinsa. Ang kanyang pamamahala ay nagpatuloy hanggang sa sumiklab ang Himagsikan laban sa mga Kastila. Mula sa Himagsikan laban sa Kastila at maging laban sa mga Amerikano, ang mga taga-Teresa ay nagpamalas ng kagitingan at pagka-makabayan.

Naging ganap na isang bayan ang Teresa noong Disyembre 10, 1918 nang lagdaan ang Executive Order No. 57 na hihiwalay ito sa bayan ng Antipolo. Mula noon hanggang ngayon, ang mga namuno sa Teresa ay patuloy na nagsisikap na umunlad ang bayan ng Teresa.

Ang bayan ng Teresa, sa pamamahala ni dating Mayor Rodel dela Cruz, ay ang unang bayan sa Rizal na nakapagpatayo ng Material Recovery Facility (MRF) noong 2010, tulad ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal at ng Jalajala, ang bayan ng Teresa ay tumanggap ng Seal of Good Housekeeping o mahusay na pamamahala mula sa Department of Interior and Local Government.