Determinado ang Kamara de Representantes na maipasa sa ikalawang pagbasa bukas, Pebrero 28, ang panukala para sa non-mandatory death penalty, at sa third at final reading sa Marso 7.

Sinabi ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na dahil naipamahagi na nitong weekend ang kopya ng inamyendahang House Bill 4727 sa mga kongresista para pag-aralan ng mga ito, wala nang dahilan para ipagpaliban pa ang agarang pagpapasa ng kontrobersiyal na panukala.

“Pursuant to the overwhelming decision of the majority, we will approve the measure on second reading this Tuesday.

After that, we will pass the bill on third and final reading by March 7,” sabi ni Fariñas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi naman binanggit ni Fariñas kung tuluyang aalisin ng posisyon ang mga opisyal ng Kamara na boboto laban sa panukala, dahil inaasahan ng liderato ng Mababang Kapulungan na makukuha ang suporta ng hanggang 220 kongresista para maarubahan ang HB 4727.

Kasabay nito, nangako naman si Kabayan Party-list Rep. Harry Roque, Jr. na kukuwestiyunin sa Korte Suprema ang planong ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

“Sa tingin ko, mali itong ginagawa natin na isasabatas muli ang death penalty. Ito ay labag hindi lamang sa ordinaryong batas kundi sa saligang batas. Sa mula’t mula naman sinabi ko na, kapag nagpilit, nand’yan ang posibilidad na ito ay dadalhin sa Korte Suprema,” ani Roque.

“Mas marami talaga ‘yung tutol. Kaya lang marami talaga sa kanila ay nagbago ng posisyon dahil iniisip nila ang mga distrito nila, dahil meron diumano na warning na ang hindi bumoto sa death penalty ay mahihirapang kumuha ng mga proyekto,” dagdag ni Roque. (Charissa M. Luci)