DINUROG ng reigning six-time champion Adamson University ang University of the Philippines,15-1, upang makabalik sa winning track nitong Sabado sa UAAP Season 79 softball tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Matapos malasap ang 0-1 na kabiguan sa kamay ng University of Santo Tomas sa pagbubukas ng second round na tumapos sa kanilang nasimulang six- game winning run noong Huwebes, nakabalik sa dati nilang hitting game ang Lady Falcons para makatikim muli ng panalo sa loob lamang ng apat na innings at makopo ang unang Final Four slot.

Ang panalo ay ikapito ng Adamson sa loob ng walong laro.

Sa iba pang resulta, tinalo ng National University ang De La Salle, 9-3, habang nabokya ng University of the East ang Ateneo, 10-0 matapos ang limang innings.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Bunga nito, umangat ang Lady Bulldogs sa markang 6-1, lamang ng isang laro sa pumapangatlong Tigresses (5-3) sa pinaglalabanang ikalawang twice-to-beat incentive sa semifinals.

Nagtabla naman ang Lady Warriors at Lady Archers sa pang- apat na posisyon hawak ang 4-5 baraha, habang ganap namang napatalsik ang Lady Eagles sa Final Four race matapos malaglag sa ikawalong kabiguan sa siyam na laban.

(Marivic Awitan)