Eugene, Marian, Boobay copy

MASAYANG-MASAYA si Eugene Domingo at ang sidekick niyang si Divine sa pagdiriwang ng first anniversary ng kanilang Sunday afternoon sitcom na Dear Uge sa GMA-7. Ngayong Linggo, mapapanood ang kanilang anniversary episode pagkatapos ng Sunday Pinasaya.

“Hindi namin in-expect na aabot kami ng four seasons, at ngayon nga ay one year na kami,” kuwento ni Uge. “Grateful ako sa GMA dahil lahat ng ibinibigay nila sa aking programa rito ay mga original ang concept. Kahit ang mga guests na iniimbita nila every Sunday, pinipili nila.

“Tulad ngayon, ang special guests namin for our anniversary presentation ay sina Marian Rivera at Boobay. Kaya naman laging mabilis kaming mag-taping at ngayon nga ang pinakamaagang pack-up namin dahil mahuhusay ang aming guests.”

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

Kasama na rin sa mainstay ng sitcom si Jak Roberto na bentang-benta sa pagpapakita ng kanyang 8-pack abs, pero wala siya sa taping nang dumalaw kami dahil nasabay sa taping naman niya ng Meant To Be.

Biniro namin si Uge na hindi niya maitago ang tuwa niya, at halatang in love. Hindi naman siya tumangging magkuwento tungkol sa kanyang lovelife.

Two years na sila ng kanyang boyfriend na si Danilo Bottoni, isang film critic from Italy. Nakapunta na si Uge sa Italy noong Christmas, na nag-stay siya sa family ng boyfriend.

Kailan naman ito pupunta sa Pilipinas?

“Sa April, napag-usapan naming siya naman ang pupunta rito at gusto kong ipakita naman sa kanya ang mga bansa sa Asia, itu-tour ko siya, tulad din nang pagtu-tour niya sa akin sa iba’t ibang lugar sa Italy.”

Engaged na nga ba sila ni Danilo?

“We are just enjoying our time together, hindi na kami mga fifteen years old, masaya lang ako na dumating pa rin ako sa ganito. Hindi ako nagmamadali, basta I cherish every moment. Matagal-tagal na rin akong walang boyfriend, pero ngayon I’m very happy and in love.”

Naniniwala ba siya na may forever?

“He is my forever,” nakangiting pagtatapos ni Uge.

Nabanggit din ni Uge na ibabalik ng GMA 7 ang kanyang comedy game na Celebrity Bluff. Inaayos lang daw ang magiging timeslot nito at kung sinu-sino ang magiging co-hosts niya. (Nora Calderon)