HINDI nagmintis ang aking sapantaha na ang ilang sugapa sa bawal na droga ay makaiisip na tumakas sa kinaroroonan nilang mga rehabilitation center. Maaaring pinananabikan nila ang pagbabalik sa kinahumalingan nilang paghithit ng shabu at sa paggawa ng karumaldumal na mga krimen nang sila ay pagala-gala pa sa mga lansangan. Napilitan lamang silang pumasok sa rehab centers upang makaiwas sa pagtugis ng Oplan Tokhang at sa panganib ng sinasabing EJKs (extrajudicial killings).

Ganito ang naganap sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Fort Magsaysay, Palayan City sa Nueva Ecija nang tumakas ang tatlong pasyente. Mabuti na lamang at sila ay nadakip kaagad at naibalik sa naturang mga rehab center. Hindi inaasahan ang kanilang pagtakas sapagkat sila ay mga volunteer patients, hindi katulad ng ibang lulong sa droga na sapilitang isinailalim ng mga awtoridad sa gayong mga sentro.

At lalong hindi aakalain na sila ay makalalabas sa 10-ektaryang rehab center na nasa loob mismo ng pinakamalawak na kampo sa bansa na kinaroroonan ng libu-libong sundalo ng 7th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Gayunman, naroroon pa rin ang mahigpit na pangangailangan upang paigtingin ang seguridad sa nasabing lugar.

Ang nabanggit na insidente ay natitiyak kong umabot na sa kaalaman ng liderato ng Nueva Ecija na pinamumunuan ni Gov. Cherry Umali. Katunayan, sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis, binigyang-diin niya na ang pamahalaang panlalawigan ay nauna nang nagtalaga ng security component sa DATRC nang kabubukas pa lamang nito para sa mga boluntaryong rehab patients. Nakatutuwang mabatid na ang nasabing pamunuan ay mabilis na tumugon sa pagdadagdag ng security forces sa malawak na sentro na naglalyong ituwid ang landas na tinatahak ng mga nagumon sa illegal drugs.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Palibahasa’y isa ring Novo Ecijano, hindi marahil isang kalabisang imungkahi sa liderato ng lalawigan na maglunsad ito ng makabuluhang programa para rin sa mabilis na rehabilitasyon ng mga drug patients. ... Upang hindi maging kabagut-bagot ang kanilang pananatili sa mega rehab center, makabubuting sila ay maging abala sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay sa loob ng malawak na compound; malaking bahagi nito ang hindi natayuan ng mga gusali na angkop para sa isang greening project at iba pang tree-planting activities. Ang mga aanihin sa mga planong gulayan ay para sa kapakinabangan ng mismong mga pasyente na sa aking pagkakaalam ay nagmumula sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Maliban kung may lalabaging reglamento sa pamamahala ng DATRC, dapat tustusan ng pamahalaang panlalawigan ang kailangang mga binhi at punla para sa iminungkahing gulayan. Ang mga ito ay maituturing na makabuluhang kakawing ng rehabilitasyon ng drug patients. Natitiyak ko na ito ay katanggap-tanggap sa pamunuan ng aming lalawigan.

(Celo Lagmay)