NOONG Biyernes, inilathala sa isang pahayagan na ang pagkawala sa publiko ni President Rodrigo Duterte ay hindi sanhi ng kanyang kalusugan. May titulong “Rody’s extended break not health related”, sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na dapat unawain ng taumbayan na ang schedule ni Mano Digong ay talagang matindi at nakakapagod sa katulad niyang 72-anyos.
May mga nagtatanong kung nasaan ang Pangulo nitong mga nakaraang linggo. Hindi makapagbigay ng specifics si Abella tungkol sa mga aktibidad ni PDu30 subalit ang pagkawala niya sa mata ng publiko ay hindi “health-related.” Badya ni Abella: “Hindi ko sinasabing hindi siya namamahinga ngayon. Ngunit nitong nakaraang ilang araw, maaaring siya ay namamahinga. Gayunman, marami siyang aktibidad sa Davao, may mga meeting siya.” Ito ay noong nakaraang linggo.
Tiniyak ni Abella na malusog ang Pangulo bagamat naroroon pa rin ang ilang uri ng sakit na madalas niyang ihayag sa publiko, tulad ng migraine, sakit sa gulugod, Buerger’s disease at Barret’s. “He’s in the pink of his health considering his age,” dagdag ng presidential spokesman. Masigla si PRRD at dumadalo sa dalawa o tatlong okasyon kada araw, at nagkaroon din ng “week-long hiatus” o pamamahinga ng isang linggo noong nakaraang buwan.
Bilang patunay na malusog ang Pangulo, siya ay dumalo sa alumni reunion ng Philippine Military Academy sa Baguio City. Tinanggap din niya ang delegasyon ng Russia sa Davao City na nag-courtesey call sa kanya. Nakatakdang bumisita si PDu30 sa Russia sa taong ito.
Muling itinanggi ni President Rody ang alegasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV na siya ay may nakadepositong P2 bilyon sa kanyang bank account. Hinamon ni Pangulong Duterte na patunayan ang kanyang bintang at handa siyang magbitiw sa puwesto kung kahit ikaapat na bahagi ng naturang halaga ay meron siya sa bangko.
Sa isang video message, tinawag niyang “tulisan” si Trillanes na ayaw magtantan sa pagpapalutang ng lumang isyu na siya ay may depositong P2 bilyon na matagal na niyang nasagot bago pa siya nahalal na pangulo. “Kung mapatutunayan ni Trillanes ang alegasyon na ako’y ilegal na nagtamo ng P2 billion, o kung ang bank account na nasa pangalan ko ay may total deposit na kahit kalahating bilyon, magre-resign ako agad,” hamon ng Pangulo.
Magiging simple lang ang selebrasyon ng ika-31 anibersaryo ng EDSA Revolt na nangyari noong Pebrero 1986 na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand E. Marcos na nagbigay-daan upang ang isang “mere housewife” na si Corazon Aquino, biyuda ng pinaslang na si ex-Sen. Ninoy Aquino, ay maging kauna-unahang babaeng pangulo ng Pilipinas.
Inihayag ng Malacañang na ang pagdiriwang ng Edsa People Power na pinangunahan nina Fidel V. Ramos at Juan Ponce Enrile ay magiging “very simple and very quiet.”
Ang tema na ibinigay ng Malacañang sa selebrasyon ngayon ng Edsa People Power Revolt ay “A day of reflection:
Celebrating People Power for nation-building”, ayon kay FVR. (Bert de Guzman)