Mga Laro Ngayon
(Al Ahli Indoor Stadium)
5 n.h. -- Sagese vs Sale
7 n.g. -- Egypt vs Homenetmen
9 n.g. -- Mighty Sports vs Al Riyade
DUBAI – Sadlak sa kabiguan, kakailanganin ng Mighty Sports-Philippines na makaayuda laban sa liyamadong Al Riyade of Lebanon ngayon upang maisalba ang sisinghap-singhap na kampanya sa 28thDubai International Basketball Championship sa Al Ahli Indoor Stadium dito.
Kailangan ng Pinoy cagers – nabigo sa huling tatlong laro – ang himala sa kanilang laro ganap na 9:00 ng gabi upang makahinga ng bahagya sa kanilang hangaring makausad sa susunod na round sa prestigiyosong torneo sa Middle East.
Pader ang babanggain ng Mighty Sports kung kaya’y kailangan nila ang ispesyal na opensa nina NBA veteran Hasheem Thabeet at Dominic McGuire, gayundin si naturalized Marcus Douthit para manatiling buhay ang kampanya ng Pinoy sa liga.
Sa nakalipas na tatlong laro, tanging sina dating Ginebra import Justine Brownlee at NBA D-League aspirant Kiefer Ravena ang kumikikig para sa Mighty Sports tangan ang average 27 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Walang hirap na umusad sa semi-final ang five-time champion na Al Riyade kontra Egypt (85-69) at Sale of Morroco (107-69) – kapwa nanaig laban sa Mighty Sports.
Nakalinya para sa huling laro ng Mighty ang Emirates Ball Above All sa Huwebes ganap na 9:00 ng gabi.
(Rey C. Lachica)