Viral ngayon sa social media ang pagpatay sa isang lalaki na binaril mismo sa harap ng dalawa niyang anak sa Barangay Sto. Cristo, Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Makikita sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera na bago maganap ang pamamaril, sumakay ang dalawang batang lalaki sa back seat ng kulay puting Toyota Innova habang ito ay nakaparada sa panulukan ng Palawan at Pangasinan Street.

Ilang segundo lamang ang nakararaan nang sumulpot ang isang lalaking nakasuot ng pulang t-shirt, shorts, sumbrero at may bitbit na baril at nilapitan ang biktimang nasa driver’s seat, kinilalang si Ricky Leang, at pinagbabaril.

Bago tumakas, kinuha pa ng hindi pa nakikilalang lalaki ang pitaka ng biktima.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Matapos ang pamamaril ay nagmadaling bumaba sa kotse ang dalawang anak ni Leang at humingi ng tulong sa isang sari-sari store.

Nagawa pang isugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) si Leang ngunit binawian din ito ng buhay.

(Rommel P. Tabbad)