Sampung katao ang inaresto ng mga tauhan ng Taguig City Police sa magkakahiwalay na anti-illegal gambling operations sa lungsod nitong Linggo, ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD) kahapon.

Dakong 10:00 ng umaga inaresto ng mga pulis ang tatlong lalaking nagsusugal ng cara y cruz sa Pulong Kendi II, Barangay Sta. Ana.

Nakumpiskahan ng tatlong 25 centavo bilang “pamato” at P170 cash sina Aristotle Cruz, 38; Rey Michael, 29; at Malven Habulan,42, pawang nakatira sa nabanggit na lugar.

Sinundan ito ng pagkakaaresto kina James Clemente, nasa hustong gulang; Elpidio Balagbag,57; at Salvador Caranto, 42, pawang residente ng Cruz-Tipaz, Taguig City.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Isa-isang dinampot sina Clemente, Balagbag at Caranto sa kasagsagan ng ilegal na “tupada” sa Tartaria, Palingon-Tipas, bandang 10:52 ng umaga.

Samantala, bumagsak sa kamay ng pulisya ang apat pang lalaki na sina Hilario Cabangan, 37; Paolo Mansibang, 24; Jonathan Sumampong, 36; at Bilberto Galbo,35, pawang ng Sitio Pusawan, Bgy. Ususan, Taguig City.

Nabatid na naaktuhang nagsusugal ng cara y cruz ang apat na suspek sa Sitio Pusawan, Bgy. Ususan at narekober sa mga ito ang tatlong 25 centavo na “pamato” at P245 cash.

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 sa Taguig Prosecutor’s Office ang mga suspek. (Bella Gamotea)