GUSTO kong mag-work out.

At dahil gipit sa budget, ano kaya ang pinakamatipid na uri ng ehersisyo? Gym…magastos! Tennis…magastos! Basketball?

Puwede na rin.

Subalit kung tutuusin, talagang ang mag-jogging pa rin ang pinakamatipid na exercise.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Okay din ang brisk walking.

Subalit sa estilo ng pagmamaneho ng mga motorista sa lansangan ngayon, ligtas pa bang maglakad o tumakbo sa kalye upang mag-ehersisyo?

Mainit-init pa ito. Kahapon lang ay nag-jogging ang mahusay na graphic artist na si Raynand Olarte nang biglang bundulin ng isang Uber vehicle sa isang lugar sa Taguig City.

Dahil sa lakas ng pagkakabundol, bumulagta si Ray at nawalan ng malay.

Ilang segundong nawalan ng malay ang pobreng binata bago nagising.

Nasa gilid ng kalsada si Ray nang mahagip ng kotse. Dahil sa dami ng nakabalandrang gamit at pag-okupa ng mga residente at establisimiyento sa bangketa, napupuwersa ang mga pedestrian at jogger na dumaan sa gilid ng kalsada bagamat batid nila na ito ay mapanganib.

Kumbaga, wala silang choice.

Agad namang natulungan si Ray at mapalad siya na walang seryosong pinsala na naidulot sa kanya ang insidente.

Subalit hindi ba talaga ito maiiwasan?

Hindi na rin bago sa atin na bukod sa peligrong naidudulot sa mga pedestrian ng mga nakasalansan na kalakal ng mga tindahan, talyer, junk shop at iba pang establisimyento sa bangketa, ito rin ang pinagmumulan ng trapiko.

Nasubukan n’yo na bang mag-jogging sa gilid ng kalsada?

Marami ang nagsasabi na ang pagdya-jogging ay dapat pasalungat ang direksiyon sa kalsada upang makita ng tumatakbo ang mga paparating na sasakyan. Bukod sa pag-iwas sa mga barumbadong driver, mistulang naglalaro ng “Chinese garter” ang mga jogger dahil patalun-talon pa ang mga ito sa pag-iwas sa mga imburnal na ninakaw ang takip.

Minsan ay inakala ko rin na nagro-roller blades ang isang lalaki subalit nang tingnan ko ang kanyang paa ay wala naman siyang suot na sapatos na may gulong. Sa halip, napansin ko nakasuot lang siya ng rubber shoes subalit nadaan sa isang lugar na maraming basurang nakakalat, kabilang ang mga nabubulok na balat ng saging.

Sa halip na madaanan ng pedestrian ang mga bangketang ito ay ginagamit sa maling paraan.

Kung pagmamasdan n’yo sa mga eksklusibong subdivision o village, bawal okupahan ng sinuman ang mga bangketa. Masarap mag-jogging sa mga lugar na ito.

Kung ganito ang labanan, kailan pa kaya magiging ligtas ang mga pedestrian? (ARIS R. ILAGAN)