Hindi na nakaporma ang isang lalaki makaraang makorner sa checkpoint matapos nitong tangayin ang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) ang isinampang kaso laban kay Adrian Arana, alyas “Kim”, 25, carwash boy, ng No. 1695 Laloma Street, Camarin ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ni Nelson Moran, 28, kay PO3 Eduardo Tuliao Jr., ng Camarin North Anti-Carnapping Unit, bandang 2:00 ng hapon ipinarada niya ang kanyang motorsiklo (3695-PF) sa kahabaan ng Langkat St., Kiko, Barangay Camarin, Caloocan City at nagtungo sandali sa bahay ng kanyang kaibigan.

Pagbalik ng biktima wala na ang kanyang motorsiklo kaya agad niyang iginala ang mga mata hanggang sa mamataang minamaneho ito ng isang lalaki sa Doña Aurora Road, Bgy. Camarin.

'Zero Remittance Day' ng OFWs, insulto sa mga biktima ng war on drugs —Migrante

Dito na humingi ng tulong si Moran sa pulisya at agad ikinasa ng mga tauhan ng Police Community Precinct-5 ang checkpoint laban kay Arana.

Pagdating ng suspek sa lugar, patay-malisya pa umano ito at sumaludo sa mga pulis ngunit agad na siyang pinosasan at dinala sa presinto. (Orly L. Barcala)