Arestado ang isang pulis na naka-absent without leave (AWOL) matapos maaktuhang bumibili ng shabu sa bahay ng isang kilalang drug supplier, na target sanang silbihan ng warrant of arrest, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si PO1 Ernesto Borleo Jr., dating nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), at residente ng 991, Interior 10, Morong Street sa Tondo.
Ayon kay Police Chief Insp. Wilfredo Sy, ng Manila-Criminal Investigation and Detection Group, dakong 2:30 ng madaling araw nang maaresto si Borleo sa 991 Interior 16, Hermosa St., sa Tondo.
Aniya, magsisilbi sana sila ng arrest warrant laban sa Top 10 Most Wanted Person at supplier ng shabu na si Alfred Basilisa nang matiyempuhan nila roon si Borleo.
Nagduda umano ang mga pulis sa intensiyon ni Borleo sa pagtungo sa bahay ng isang kilalang drug supplier kaya agad nila itong sinita.
Nagpakilala pa umano si Borleo bilang miyembro ng Philippine National Police ngunit nang hingan ng identification card at pangalan ng kanyang mga superior officer ay wala umano itong maibigay. Dito na nila kinapkapan si Borleo at nakuhanan ng isang plastic sachet na naglalaman ng anim na gramo ng shabu o katumbas ng P25,000.
Nakatakdang sampahan si Borleo ng kasong paglabag sa sections 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bigo naman ang mga pulis na maaresto si Basilisa. (MARY ANN SANTIAGO)