ni Elena L. Aben
Hinimok kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV na mas makabubuti para kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kung magbibitiw ito sa tungkulin upang maisalba si Pangulong Duterte sa karagdagang kahihiyan na dulot ng kalihim.
Ito ay sa gitna ng mga alegasyon na pinayagan umano ni Aguirre ang VIP treatment sa mga high-profile inmate na tumestigo laban kay Sen. Leila De Lima, bukod pa sa P50-milyon bribery scandal na kinasangkutan ng Bureau of Immigration (BI).
Aniya, ilalatag niya ang mga nasabing usapin laban kay Aguirre sa Commission on Appointments (CA), na magkukumpirma sana kay Aguirre bilang kalihim ng Department of Justice (DoJ).
“Mabibigat na mga alegasyon ‘yan. Itong (BI) bribery scandal, kung medyo mahina ka mag-isip, maliwanag pa din sa iyo na kasangkot siya,” sabi ni Trillanes, idinagdag na sariling mga tauhan at fraternity brothers pa ng kalihim ang sangkot sa nabanggit na eskandalo.
“Tapos mabigat itong nangyari ngayon, ‘yung sa pagbibigay ng VIP treatment sa convicts ng Bilibid kapalit ng testimony nila na magdidiin kay De Lima,” dagdag ni Trillanes. “Lumalabas dito na tina-tamper mo ‘yung testimony ng witnesses para lang sa inyong agenda, in this case para maipiit si Sen. De Lima na kalaban nila sa pulitika. ‘Yan po ang pinakamabigat na puwedeng gawin ng isang secretary of justice, ‘yung i-tamper ‘yung mga testigo.”
“So, sa dami na ng kapalpakan… ‘di na dapat ito pinag-uusapan. He could spare the president of this embarrassment kung magre-resign na lang siya,” ani Trillanes.