MASAYA si Miguel Tanfelix na isinama sila ng ka-love team na si Bianca Umali sa Full House Tonight na iho-host ni Regine Velasquez-Alcasid.
Dahil laging drama series ang kanilang ginagawa simula nang maging love team sila, gusto naman nilang masubukan ang ibang genre. Ang huli nilang teleserye ay ang Wish I May with Camille Prats at Mark Anthony Fernandez. Pagkatapos nito, ginawa rin nila ang four-week romantic-comedy series na URL.
So, kumusta naman ang pakikipagtrabaho nila sa singers at stand-up comedians?
“Medyo po mahirap dahil live na sing and dance at comedy na ang huhusay ng mga kasama namin,” sagot ni Miguel. “Kaya po nagwo-workshop kami, marami na po kaming natututunan tungkol sa comedy. Sana po ay panoorin ninyo kami every Saturday, pagkatapos ng Magpakailanman.”
Kababalik lang ni Miguel mula sa Christmas vacation sa Yokohama, Japan. Sa ninang niyang naka-base doon siya nag-stay. First time daw niyang nakakita ng snow. Noong una raw ay sinasamahan siya sa pagsakay-sakay sa bullet train pero later on, mag-isa na lang siya. Pagkagaling sa Japan ay six days naman siyang nagbakasyon sa Cambodia, siya lang mag-isa at in-enjoy niya na naka-back-pack lang siya. May mga Pinoy sa mga pinuntahan niya na nakikilala sa kanya.
Bakit hindi niya isinama si Bianca?
“Promise po namin ni Bianca na sa 2020, magkasama kaming pupunta ng Japan para manood ng Japan Olympics. Kaya ngayon po, work muna kami, dahil makakasabay nito ang bagong epic serye na gagawin namin, ang Mulawin vs. Ravena. Mag-iipon muna kami.”
Tuloy ang pag-aaral ni Miguel ng Entrepreneurship sa La Salle, Dasmariñas, Cavite at natatawa niyang kuwento, minsang pumasok siya sa klase ay biglang nagsigawan ang mga kaklase niya kaya napaatras siya. Pero nang bumalik daw siya, nagpa-picture at nagpa-sign lang naman ng autograph ang classmates niya.
At 18, hindi pa nanliligaw si Miguel kay Bianca, pero very close sila sa isa’t isa. Hindi itinanggi ni Miguel na may occasion na sila lamang dalawa ang magkasama. So, sa Valentine’s Day, sila ba ang magkasama? Ano ang Valentine’s gift niya kay Bianca?
“Wala pa po kaming plano. Pero last year, magkasama kaming dalawa, kumain lang kami sa isang steak house. Wala pa po akong naiisip ng Valentine gift, p’wede kayang wala muna, napagastos kasi ako ngayon,” natawang sagot ni Miguel.
Lalong gumaganda si Bianca who will turn eighteen na rin next year. Hindi ba siya mag-aalaala o magseselos kung may ibang guys na manliligaw kay Bianca?
“Siyempre po magseselos ako, pero alam ko pong hindi sila magugustuhan ni Bianca,” nakangiting pagtatapos ni Miguel.
(NORA CALDERON)