LeBron, panis kay Westbrook; Mavs wagi sa OT.
OKLAHOMA CITY (AP) — Hindi umubra si ‘The King’ sa lakas ni Mr. Triple Double.
Naitala ni Russell Westbrook ang 29 puntos, 12 rebound at 11 assist – ika-26 triple double ngayong season – para sandigan ang Oklahoma City Thunder sa dominanteng, 118-109, panalo kontra sa Cleveland Cavaliers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Nag-ambag si Victor Oladipo ng 23 puntos at kumubra si Steven Adams ng 20 puntos at 13 rebound bilang tanda ng kahandaan para sa muling pakikipagtuos sa dati nilang teammate na si Kevin Durant at ang Golden State Warriors sa Sabado (Linggo sa Manila).
Nanguna sa Cavs si Kyrie Irving sa naiskor na 28 puntos, habang nalimitahan si LeBron ‘King’ James sa 18 puntos at nag-ambag si Kevin Love ng 15 puntos at 12 rebound.
ROCKETS 107, HORNETS 95
Sa Charlotte, North Carolina, nagsalansan si James Harden ng 30 puntos, 11 rebound at walong assist sa panalo ng Houston Rockets kontra Hornets.
Ito ang ika-25 pagkakataon na nakaiskor si Harden ng 30 puntos o higit pa. Nailista niya ang 8-of-21 sa field at nagtamo ng siyam na turnovers, ngunit sapat ang lakas ng Rockets para sa ikatlong sunod na panalo.
Nag-ambag si Patrick Beverley ng 17 puntos at tumipa si Montrezl Harrell ng 15 puntos mula sa bench para sa Rockets (39-17)
Nanguna si Nic Batum sa Hornets sa nakopong 15 puntos at 10 assist.
MAVERICKS 112, JAZZ 105, OT
Sa Dallas, hataw si Harrison Barnes sa naiskor na 31 puntos, kabilang ang walo sa overtime para pangunahan ang Maverics sa impresibong paghahabol mula sa 21 puntos na bentahe tungo sa panalo laban sa Utah Jazz.
Nakumpleto ni Barnes ang three-point play para tampukan ang 11-0 run mula sa regulation at ibigay sa Dallas ang 107-100 bentahe sa extra period.
Nailisita ni Devin Harris ang unang apat na puntos sa Mavs sa OT.
Naitala ni Utah forward Gordon Hayward ang season-high 36 puntos, ngunit sumablay sa kanyang three-point attempt sa krusyal na sandali ng regulation.
Kumubra si Dirk Nowitzki ng 20 puntos.
76ERS 112, MAGIC 111
Sa Orlando, Florida, naisalpak ni T.J. McConnell ang go-ahead jumper may 5.8 segundo ang nalalabi, habang kumubra si Dario Saric ng 24 puntos sa panalo ng Philadelphia kontra Orlando.
Nakuha ni McConnell ang pagkakataon para sa winning shot nang maipasa sa kanya ang bola mula sa jump ball ng kasama niyang si Evan Fournier sa krusyal na sandali ng laro na nagkaroon ng 10 palitan ng bentahe.
Nakamit ng Orlando ang bentahe nang masupalpal ni Magic center Nikola Vucevic ang tira ni Ilyasova sa huling 13 segundo.
Tinampukan ni Fournier ang ratsada ng Orlando sa naiskor na 24 puntos.