PINABULAANAN ni Miss Universe 2016 Iris Mittenaere ng France ang mga haka-haka na may namamagitan sa kanila ng matalik niyang kaibigan na babae.
“Camille is my best friend and I love my boyfriend Matthieu. I really love her, but I am not with her. She is not my girlfriend,” paglilinaw ni Mittenaere sa GMA News.
Isang araw makaraang koronohan bilang Miss Universe sa Manila noong Enero 30, pumutok ang mga haka-haka tungkol sa pagkakaroon niya ng relasyon sa kapwa babae nang lumabas ang mga larawan ng French beauty queen na intimate sa kanyang kapwa beauty queen at kaibigan na si Camille Cerf, ang kandidata ng France sa Miss Universe 2014 beauty pageant at nagtapos sa Top 15.
Kumalat din ang mga espekulasyon na si Mittenaere ang unang magiging tomboy na Miss Universe dahil sa mga larawan.
Iniulat naman ng Daily Entertainment News, isang entertainment website, na kasintahan ng reigning Miss U ang hunky doctor na si si Matthieu Declercq.
Nagtungo pa si Declerq sa Manila upang suportahan ang kanyang girlfriend sa 65th Miss Universe pageant.
Si Mittenaere, 24, ay kasalukuyang kumukuha ng degree sa dental surgery. Mahilig siya sa extreme sports, travelling, at pagluluto. Masaya at enjoy din siya sa pagpapasaya ng ibang tao, partikular kapag nagboboluntaryo siya sa Bienvenue-Tongasoa at Les Bonnes Fees. (ROBERT R. REQUINTINA)