Inalis sa kani-kanilang puwesto ang ilang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng alegasyon na posibleng sangkot din sila sa pagdukot at pagpatay sa Korean na si Jee Ick-joo.

Ayon kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, inirekomenda ni NBI Director Atty. Dante Gierran ang balasahan para mabigyang-daan ang imbestigasyon sa posibleng pagkakadawit ng ilang opisyal ng NBI sa kidnap-slay.

Ipinag-utos ni Gierran ang balasahan matapos sabihin ng isa sa mga pangunahing suspek sa krimen, si Supt. Rafael Dumlao III ng binuwag nang Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng Philippine National Police (PNP) na maaaring sangkot din ang mga ito sa kidnap-slay.

Apektado sa balasahan si NBI-National Capital Region (NBI-NCR) Director Ricardo Diaz na ibinalik sa kanyang mother unit, ang Regional Operations Service.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Pinalitan siya ni Assistant Regional Director Rommel Vallejo.

Pinalagan naman ni Diaz ang pagkaladkad ni Dumlao sa kanyang pangalan at tinawag niya itong sinungaling. Kumpiyansa siyang sa tamang panahon ay malalantad ang katotohanan at malilinis din ang kanyang pangalan.

Bukod kay Diaz, naapektuhan din sa balasahan si NBI-NCR Head Agent Darwin Lising, na inilipat sa Bicol; Atty. Jose Yap, deputy director for investigative services, na ginawang OIC ng Information and Communications Technology Division, at pinalitan ni Deputy Director for Intelligence Vicente De Guzman III.

Si Atty. Sixto Burgos, dating chief of staff ng deputy director for intelligence, ay inilipat bilang OIC ng deputy director for intelligence service, habang si Atty. Roel Bolivar ay inilipat sa Office of the NBI Director, at pinalitan ni Atty. Jonathan Galicia bilang head ng Task Force Against Illegal Drugs.

Sinabi rin ni Gierran na personal na silang nag-usap ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa at napagkasunduan nila “to jointly work to solve the kidnapping and killing of Korean Jee Ick-joo.”

Ang joint investigation ay pamumunuan ni Col. Glenn Dumlao, ng PNP-Anti-Kidnapping Group, habang si Atty. Medardo Delemos naman ang team leader sa panig ng NBI.

Dahil dito, sinuspinde na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng NBI ng kampanya kontra droga.

“The Bureau is suspended from imposing drug laws. Sali kayo (sa mga suspendido). Nawalan na ako ng tiwala sa inyo,” sinabi ng Pangulo sa National Convention of Philippine Association of Water Districts sa Davao City kahapon.

Sinabi ng Pangulo na bukod sa PNP, isasalang din sa internal cleansing ang NBI, at habang hindi ito nakukumpleto ay tanging ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang militar lang ang magsasagawa ng drug operations.

(BETH CAMIA, JEFFREY DAMICOG at ARGYLL CYRUS GEDUCOS)