Kinastigo ni Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, ang dalawang dating associate commissioner ng Bureau of Immigration (BI) sa pagpapahintulot sa middleman ng Chinese casino operator na si Jack Lam na mapasunod sila sa mga nais nito.

“He is able to talk to you, you follow him like a sheep dog, following like a lap dog,’’ sinabi ni Gordon sa pagdinig ng komite kahapon.

Tinukoy ni Gordon si Wenceslao “Wally’’ A. Sombero, Jr., ang retiradong police senior superintendent na sinasabing nagbigay ng P50 milyon cash na nakalagay sa limang bag kina dating BI Associate Commissioners Al C. Argosino at Michael B. Robles, matapos makipagkita kay Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II sa Shangrila Hotel sa Taguig City noong nakaraang taon kasunod ng pagkakadakip ng kawanihan sa 1,316 na Chinese na umano’y ilegal na nagtatrabaho sa Fontana casino ni Lam sa Pampanga.

GUILTY AGAD?

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Emosyonal namang umapela si Argosino sa mga senador na huwag silang husgahan sa publiko na para bang guilty na sila sa bribery.

Napaluha si Argosino habang inuusisa ni Sen. Chiz Escudero ang naging papel niya sa panunuhol, na nakuhanan ng closed circuit television (CCTV) camera sa isang hotel sa Pasay City.

“Your honor, this is a corruption of public officials. Wala pong nagpa-file kay Jack Lam ng corruption of public official. Bakit ho? Sinong previous administration ang nag-file (ng kaso laban) kay Jack Lam? Dahil ho kung meron man hong mga anomalies tinatanggap nila,” ani Argosino.

“Kami ho ibinalik namin ho ‘yung whatever evidence that we have. So, sana naman ho huwag ‘yung ganitong ipinapakita sa public na guilty na kami,” sabi pa ni Argosino bago humingi ng paumanhin, at sinabing na-“carried away” lang siya.

Kinuwestiyon kasi ni Escudero ang awtoridad nina Argosino at Robles na magsagawa ng imbestigasyon sa anti-human trafficking case na sinasabing kinasasangkutan ni Lam.

NAG-SORRY

Samantala, humingi naman ng paumanhin si Secretary Aguirre kina Senators Francis Pangilinan, Leila de Lima at Sonny Trillanes na inakusahan niya na may balak na gawing testigo ang isa sa mga sinibak na opisyal ng BI kaugnay ng bribery case.

Ito ay makaraang usisain ni Pangilinan kung saan nakuha ng kalihim ang impormasyon sa akusasyon nito na balak nila nina Trillanes at De Lima na kausapin sina Argosino at Robles para ituro si Aguirre.

Sinabi naman ni Gordon kay Aguirre na hindi tamang naniniwala sa “tsismis o hearsay” ang isang abogado kaya nag-sorry ang kalihim. (Mario Casayuran, Hannah Torregoza at Leonel Abasola)