CAMP BANCASI, Butuan City – Isang sundalong miyembro ng Peace and Development Team (PDT) ng 30th Infantry Battalion (30th IB) ng Philippine Army ang dinukot ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Alegria sa Surigao del Norte, nitong Linggo ng hapon.
Gayunman, hindi pa nagpapalabas ng pahayag ang National Democratic Front (NDF), ang political wing ng NPA at Communist Party of the Philippines (CPP), para kumpirmahin kung totoo ngang dinukot ng mga rebelde si Private First Class Erwin Salan.
Ayon kay Lt. Col. Rico Amaro, commanding officer ng 30th IB, pinamumunuan ni Salan ang isang grupong lumahok sa clean-up drive ng kabataan sa lokal na tourist destination na Lumondo Falls sa Barangay Budlingin, Alegria nang harangin sila ng isang grupo ng mga armadong lalaki bandang 3:00 ng hapon nitong Linggo.
“Puwersahang hinablot ang aming sundalo, ginapos at tinangay ng mga rebeldeng NPA,” sabi ni Col. Amaro.
Umapela si Amaro sa rebeldeng grupo, na pinaniniwalaang mga tauhan ng Front Committee 16 ng CPP-NPA Northeastern Mindanao Regional Committee na palayain na si Salan.
“We fully commit ourselves to peace, we support peace talk and peace process, we have high hopes that the leadership of guerilla-Front Committee 16 also have this commitment for the benefit of every Surigaonon, it is not too late to rethink their action, we appeal in the name of peace, for the release of our comrade,” panawagan ni Col. Amaro.
RESORT SINALAKAY
Sa Nasugbu, Batangas, mga hinihinalang NPA member din ang sumalakay sa isang kilalang resort at bukod sa nagsunog doon ay naglimas pa ng mga armas nitong Linggo.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 6:15 ng gabi ng sumalakay ang nasa 25 armado, na pawang nakasuot ng military uniform, sa security detachment ng Hamilo Coast sa Bgy. Payapa.
Ayon sa salaysay sa mga awtoridad ni Rolando Baon, security officer ng Hamilo Coast, dinisarmahan umano ng mga suspek ang mga guwardiya ng Selective Security Agency at nilimas ang 26 na 12-gauge shotgun, pitong M16 rifle, isang .9mm caliber pistol, at isang .38 caliber revolver.
Pinasok din ng mga suspek ang katabing compound na Costa Del Hamilo, Inc. (CDMI) at bumaba mula sa isang van ang isang babae at apat na armadong lalaki na nagpanggap na mga inspector ng Department of Environment and Natural Resources.
Dinisarmahan din ng mga ito ang mga guwardiya hanggang dumating ang tatlo pang van at hinalughog ng mga lulan dito ang iba pang mga opisina at gusali sa compound.
Nakuha mula sa mga sekyu ng 3i International Services, Inc. ang dalawang M16, tatlong shotgun, tatlong .9mm, 10 handheld radio, 10 cell phone at isang laptop computer.’
Bago tumakas, sinunog pa umano ng mga suspek ang maid’s quarters at tinangka pang silaban ang manager’s quarter gamit ang mga kumot at kurtina, bagamat wala namang nasaktan sa insidente.
BILATERAL CEASEFIRE
Enero 25, 2017 nang tinapos ng gobyerno at NDF ang ikatlong bahagi ng kanilang usapang pangkapayapaan sa Rome, Italy, ngunit nabigong mapagkasunduan ang inaasam na bilateral ceasefire agreement.
Sa Oslo, Norway naman gagawin ang ikaapat na bahagi ng peace talks, ngunit maghaharap ang mga ceasefire committee ng magkabilang panig sa Netherlands sa susunod na buwan upang matukoy kung uubra pa ang bilateral ceasefire.
(MIKE CRISMUNDO at LYKA MANALO)