boxing copy

TINIYAK ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas ng Pilipinas na mapapansin siya ng kanyang target na si WBC titlist Roman “Chocolatito” Gonzales nang itala ang 7th round TKO win kontra Mexican challenger Jose Alfredo Rodriguez.

Binugbog ng todo ng Pinoy champ ang karibal sa kinasiyahan ng crowd na karamihan ay Pinoy Overseas Worker para pasukuin ang Mexican at mapanatili ang korona nitong Linggo ng gabi sa Cotai Arena sa Macao, China.

Hindi na tumayo sa pagsisimula ng 8th round si Rodriguez, dating interim WBA light flyweight titlist, matapos mapinsala ang kanyang kanang balikat sanhi ng malulutong na bigwas ni Ancajas.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Napaganda ni Ancajas ang kanyang rekord sa 26-1-1, tampok ang 17 knockout at ito ang unang depensa ng IBF title na naagaw niya sa puntos sa dating walang talong si MacJoe Arroyo ng Puerto Rico noong nakaraang Setyembre sa Taguig City.

Impresibong ang 25-anyos na si Ancajas sa kanyang ika-12 sunod na panalo, tampok ang 12 sa knockout, mula nang makalasap ng unang pagkatalo sa kontrobersiyal na 10-round majority decision sa kababayang si dating world rated Mark Anthony Geraldo noong 2012 sa Lapu-Lapu City, Cebu.

“Una, nagpapasalamat po ako ng malaki sa ating Panginoong Diyos at sa mga sumusuporta po sa akin lalo na sa aking pamilya at sa team ko,” sabi Ancajas sa kanyang mensahe sa Facebook.

Ikinalugod din ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra ang isa pang tagumpay ng Pinoy sa boxing.

“Once again the Filipino has proven we are world class. Jerwin is such a humble and hardworking athlete who should be the role model of current and aspiring boxers,” sambit ni Mitra.

“I am confident Ancajas will go on to win many more crows and will stay on as a champion for a long period of time.

We at GAB together with our President Rody Duterte congratulate him and call on our kababayans to give him a hero’s welcome which he truly deserves,” aniya.

Ginamit ni Ancajas ang kombinasyon para masaktan ng todo ang karibal sa pagtatapos ng ikapitong round. Nang hindi na ito makatayo sa pagsisimula ng ikawalong round, idineklara ng referee ang TKO win sa Pinoy.

“Nakuha agad ni Jerwin si Rodriguez sa second round pa lang,” saimbit ni Joven Jimenez, manager-trainer ni Ancajas.

Ang duwelo ay co-promoted ng MP International Promotions ni Sen. Manny Pacquiao, kinatawan dito ni Sean Gibbons.

“Excellent job by Ancajas,” aniya. (Gilbert Espeña)