Inatasan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Manila Police District (MPD) na higit pang paigtingin ang pag-iimbestiga sa pagkakatagpo kamakailan ng mga kalansay ng tao sa isang abandonadong bahay sa Islamic Center sa Quiapo, Maynila, kasabay ng masusing paghahanap sa dalawang suspek sa kaso.

Nanawagan din si Estrada sa mga may kinalaman sa karumal-dumal na pagpatay na payapa na lang na sumuko sa awtoridad.

“This is a serious case, we should not let the perpetrators get away from this. Sumuko na sila habang maaga pa,” babala ni Estrada. “I am counting on MPD to do an accurate and in-depth investigation to identify and track down all the people behind these horrible killings.”

Ayon naman kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel, may hinahanap na silang dalawang “persons of interests” na may kinalaman sa kaso ngunit wala na sa Metro Manila ang mga ito.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

“Meron tayong two target personalities who are persons of interest who are being investigated regarding this... buhay pa. Wala na rito sa Manila, not in the city of Manila but most likely, after the neutralization of former Barangay Chairman (Faiz) Macabato, they left the area,” ani Coronel, tinukoy ang anti-drug operation sa lugar noong Oktubre 7, 2016.

Pitong drug suspect ang nasawi sa naturang raid, kabilang na si Macabato, incumbent chairman ng Barangay 648.

Ayon pa kay Coronel, isinasailalim na sa forensic pathology examination ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory ang pitong kalansay. (Mary Ann Santiago)