LOS ANGELES (AP) – Mr. Triple - double si Russell Westbrook ng Oklahoma City. Ngunit, sa mata ng mga tagahanga, wala itong timbang bilang starter sa NBA All-Star Game.

Pinulot sa kangkungan ang matikas na Thunder point guard at nangunguna para sa season MVP award sa resulta ng final voting para sa All-Star starter nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nanguna si two-time MVP Stephen Curry ng Golden State Warriors para sa point guard position sa Western team kasama si James Harden ng Houston Rockets. Makakasama nila sina Kevin Durant (Golden State), Kawhi Leonard (San Antonio) at Anthony Davis (New Orleans).

“It’s going to feel amazing to be an ambassador for the city,” pahayag ni Davis. “I’m definitely going out to try and get MVP (Most Valuable Player) being here in New Orleans.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pambato naman ng East sina LeBron James at Kyrie Irving ng Cleveland Cavaliers, kasama sina DeMar DeRozan (Toronto), Jimmy Butler (Chicago) at Giannis Antetokounmpo ng Greece (Milwaukee) -- ang unang Bucks All-Star starter mula noong 1986.

Gaganapin ang 66th NBA All-Star Game sa Pebrero 19 sa New Orleans.

Mula sa kabuuang 38 milyon fan votes, mas mataas ng 146 porsiyento sa nakalipas na taon, nanguna si James sa nakuhang 1,893,751 boto, kasunod sina Curry (1,848,121), Durant (1,768,185) at Irving (1,696,769).

Nangunguna si Westbrook sa statistics ng NBA tangan ang 30.6 puntos, ikalawa sa assist (10.4) at 10.6 rebound para maliyamado na maging ikalawang player na nakapagtala ng average a triple double sa kabuuan ng season sa likod ni Oscar Robertson noong 1960 season.

Ngunit, wala siyang karisma sa mga tagahanga.

“Dude averaging a triple double and not starting in the all star game is wild,” pahayag ni Memphis Grizzlies forward Chandler Parsons sa Twitter.

Sa kabila nito, inaasahang makakasama si Westbrook sa reserve player. Ang mga NBA coach ang mamimili sa reserved player at inaasahang maipapahayag ito sa Enero 26.