Sugatan ang isang pulis makaraang barilin ng isa sa mga suspek sa ilegal na droga sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Nasa maayos nang kondisyon si PO1 Joren Mallilin, nakatalaga sa Pritil Police Community Precinct (PCP), sakop ng Manila Police District (MPD)-Station 1, matapos madaplisan ng bala ang kanyang ulo.

Samantala, naaresto naman ng mga pulis ang isa sa mga suspek na kinilalang si Bryan Sedilla, 37, tricycle driver, ng 8 Dahlia Street, Barangay Tanza, Navotas City habang tinutugis pa ang kasamahan niyang si alyas “Pong” na itinuturong nakabaril kay Mallilin.

Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng MPD-Station 1, dakong 4:00 ng hapon ay rumesponde sina Mallilin at PO3 Ariel Aguilar sa Juan Luna St., kanto ng H. Lopez St., nang makatanggap ng tawag ang kanilang duty desk officer mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensiya ng mga armadong lalaki roon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Pagdating nina Mallilin at Aguilar sa lugar, dakong 4:10 ng hapon, ay namataan nila ang dalawang suspek na kahina-hinala ang kilos kaya sinita nila ang mga ito.

Gayunman, bigla na lang umanong bumunot ng baril si Pong at agad pinaputukan ang papalapit na pulis at tinamaan si Mallilin.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikaaaresto ni Pong habang nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso si Sedilla. (Mary Ann Santiago)