HANDA na si Pinoy boxer Rene Patilano sa pagkasa kay Indonesian champion Tibo Monabesa sa kanilang 12-round na sagupaan para sa bakanteng WBC International Silver light flyweight crown sa Enero 21 sa Cendrawasih Sports Hall sa Jakarta, Indonesia.
Galing si Patilano sa pagkatalo via 6th round knockout kay WBO light flyweight champion Kosei Tanaka noong Mayo 28, 2016 at tabla sa kababayang si JC Francisco nitong Nobyembre 19 kaya umaasa siyang tatalunin si Monabesa para umangat sa WBC ranking kung saan kasalukuyan siyang No. 24 contender sa kampeong si Ganigan Lopez ng Mexico.
Huling lumaban si Monabesa sa Pilipinong si Joel Taduran na idinispatsa niya sa loob ng anim na round noong Setyembre 2, 2016 sa Balay Sarbini Convention Hall sa Jakarta, Indonesia.
May perpektong rekord si Monabesa na 14-0-1, tampok ang pitong knockout, samantalang si Patilano ay may kartadang 15-2-3, kabilang ang pitong knockout. (Gilbert Espeña)