Umaasa ang mga national sports associations sa mabuting patutunguhan ng kanilang mga magiging kampanya sa ipinangakong suporta at tulong ng Philippine Sports Commission.
Ito ay matapos maging positibo sa mga lider ng kabuuang 35 NSAs mula sa 41 inimbita ng PSC ang inilatag na programa ang ahensiya para sa mga pambansang atleta, coaches, at mismong mga asosasyon para sa susunod na apat na taon.
Ilan sa nagpahayag ng suporta sina dating PSC chairman Philip Ella Juico ng athletics, dating PSC commissioner Cynthia Carrion-Norton ng gymnastics, dating Project Gintong Alay executive director Jose Romasanta ng volleyball at karatedo, Makati City 1st Dist. Rep. Manuel Monsour del Rosario III ng taekwondo, dating PBA chairman Victorico Vargas ng boxing at si MVP Sports Foundation, Inc. at Samahang Basketbol ng Pilipinas president Alfredo Panlilio.
Umaasa ang mga lider na mas bubuti pa ang kasalukuyang relasyon ng government sports agency sa mga NSAs na posibleng magbunga ng magandang resulta lalo na sa parating na 29th Southeast Asian Games 2017 sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“As normal people, if you are supported, loved, and cared, they will respond. I believe in that. Support gets results. When we started talking, a lot of positive things happened,” sabi ni Ramirez. “Makikita natin ‘yung PSC and NSAs, we have to work together,” sabi pa nito.
“I believe that working together will create an impact rather than working alone. We are happy that both responded well. We will continue to talk to the (PSC-POC) SEA Games Task Force and we can make resolutions along the way,” ayon pa kay Ramirez.
Pinasalamatan din ng mga nabanggit na NSA officials ang PSC executive board kung saan kasama ni Ramirez bilang commissioner sina Ramon Fernandez, Charles Ramond Maxey, Arnold Agustin at Celia Fatima Kiram. (Angie Oredo)