NATUKLASAN sa pag-aaral na isinagawa ng mga German scientist na ang capsaicin, aktibong sangkap ng sili, ay maaaring ipanlaban para mag-self-destruct ang cancer cells.
Ang capsaicin ang nagbibigay ng maanghang na lasa ng sili. Bagamat nakakapagpaiyak ang maanghang at matapang na lasa nito sa mga tao, maaari itong gamitin para magamot ang iba’t ibang uri ng cancer, kabilang ang breast, colon o pancreatic cancer.
Sa isinagawang eksperimento ng mga siyentipiko sa Ruhr-University sa Bochum, Germany, inalam kung paano nagre-react ang sample ng breast cancer ng tao kapag apektado ng spicy molecule.
Natuklasan na kayang ikabit ng capsaicin ang sarili sa membrane ng diseased cell at maging specialized receptors na nagkokontrol sa mga sustansiyang lalabas at papasok sa selula.
“In our experiments, a significant reduction in cell proliferation after capsaicin stimulation was observed,” saad ni Dr. Lea Weber, miyembro ng grupo ng mga siyentipiko na nag-organisa ng eksperimento.
“This finding was in accordance with the results of other scientists, who demonstrated a significant decrease in the cell growth rate of MCF-7 breast cancer cells upon capsaicin stimulation.”
Gayunman, hindi nangagahulugan na malalalabanan na ang cancer sa pamamagitan lamang ng pagkain ng maanghang na pagkain. Hindi nagsisilbing cancer-killing agent ang capsaicin kapag kinakain, nilalanghap, o itinutusok. Ngunit sinabi ng mga researcher na may potensiyal ito at maaaring maging epektibo bilang pill kapag isinama sa ibang gamot na pampuksa sa cancer cells. (PNA)