Dalawang drug suspect, isa sa kanila ay kaapelyido ni Sen. Manny Pacquiao, ang napatay matapos umanong manlaban sa buy-bust operation sa magkahiwalay na insidente sa Sta. Ana at Sta. Cruz, Maynila, iniulat kahapon.
Sa report ni Police Supt. Jerry Corpuz, officer-in-charge ng Manila Police District (MPD)-Station 6, dakong 12:35 ng madaling araw nang mapatay ng mga pulis ang suspek na si Marlon Mariano, alyas “Pacquiao”, 34, ng 2658 Jorge Street, Sta. Ana.
Nanlaban umano si Pacquiao sa mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU), sa ikinasang operasyon sa mismong tahanan ng suspek.
Nang sumenyas na si PO2 Jesus Fallo, tumayong poseur buyer, na kumpirmadong tulak si Pacquiao ay nakahalata ito, kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis ngunit nagmintis. Dahil nakaramdam ng panganib, nagdesisyon ang awtoridad na paputukan si Pacquiao na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, dakong 12:05 ng madaling araw kahapon nang mapatay ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 3, si Mark Angelo Concepcion, alyas “Marky”, 35, sa 1953 Kusang Loob Street, Sta. Cruz.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis laban kay Concepcion at si PO3 Rex Munoz ang nagsilbing poseur buyer.
Nakabili si Munoz ng P500 halaga ng shabu kay Concepcion ngunit nakahalatang pulis ang kanyang kaharap hanggang sa bumunot ng baril at nagpaputok. Panandaling nagkapalitan ng bala ang suspek at ang mga pulis hanggang sa bumulagta ang una. (Mary Ann Santiago)