Labing-isang katao ang inaresto nang salakayin ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ang isang bahay na ginagawang drug den, sa ikinasang buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng hatinggabi.
Sa report ni Police Sr. Inspector Milan V. Naz, head ng SAID-SOTG kay Police Sr. Supt. Ronaldo R. Mendoza, kinilala ang mga inarestong sina Roy Hubila, 40, ng No. 148, Block 4, Viente Reales; Darwin Bereuta, 43, ng No. 323, Block 6, Viente Reales; Ronald Cayugo, 38, ng No. 3 Molina Street, Viente Reales; Ryan Cortez, 32; Allan Urcia, 38 ng Pinagbayanan St., Lingunan; Alvin Dumalasa, 38; Angelito Vizcayno, 38, Ulingan St., Lawang Bato; Niel John Paul Capili, 22, ng Melo Subdivision, Viente Reales; Renimar Librada, 27 , ng Northville, Bignay; at Jupiter Laplos, 47, ng Block 3, Viente Reales.
Ayon kay Sr. Supt. Mendoza, bandang 12:15 ng hatinggabi, ikinasa ng grupo ni Dir. Inspector Naz ang buy-bust operation sa bahay ni Hubila.
Isa sa mga pulis ang nagpanggap na buyer ng shabu sa suspek at nagkunwaring babatak sa mismong bahay ni Hubila.
Matapos makumpirma ni Capt. Naz ang hudyat, sinakalay na nila ang lugar kung saan huling-huli sa akto na humihithit ng shabu ang mga suspek.
“Sa address pa lang ng mga nahuli talagang patunay lang na ginagawang drug den ‘yung lugar, kasi iba-iba sila ng lugar,” pahayag ni Naz.
Narekober ng mga pulis ang walong pirasong pakete ng shabu, marked money at mga drug paraphernalia. (Orly L. Barcala)