Muling nagkaroon ng tensiyon, sa ikalawang pagkakataon, sa pagpapaalis sa mga tindero’t tindera ng Langaray Market, Caloocan City.

Nitong Sabado, sinimulan ng mga tauhan ng Caloocan Police at mga kawani ng Public Safety and Order (PSO) ng Caloocan City government ang pagbabaklas sa mga stall sa nasabing public market.

Dahil sa tindi ng galit ng mga vendor, sinabuyan nila ng tubig at pinagbabato ng bote ang demolition team upang hindi matuloy ang pagbaklas.

Pagsapit ng Linggo ng umaga, galit na galit na naman ang mga vendor at pinagtulungang baklasin ang mga iniharang na yero ng demolition team.

Eleksyon

'Walang Imee, Camille?' DuterTEN, Honasan, Querubin ineendorso ni FPRRD

Ayon sa mga vendor, hindi sila kinonsulta na babaklasin ang nasabing palengke, mahigit 31 taon nang nakatayo, upang isailalim sa rehabilitasyon.

Anila, hindi sila tutol sa pagpapagawa ng bagong palengke, pero nangangamba sila na hindi na muli pang makabalik sa kanilang puwesto sa oras na matapos ang konstruksiyon.

Bandang 4:00 ng hapon, muli na namang sumugod ang demolition team at muling inilagay ang mga yerong inalis ng mga vendor. (Orly L. Barcala)