Nasa 162 pasahero ng isang barko ang na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado sa gitna ng karagatan makaraang mabigong makadaong ang sinasakyan ng mga ito.
Ayon sa PCG, dahil sa malakas na ulan at hangin at naglalakihang alon ay nabigong makadaong ang Super Shuttle Ferry 26 sa pantalan ng Sta. Fe sa Bantayan Island, Cebu, kaya napilitan itong manatili sa dagat.
Kaagad namang nagkasa ng rescue operations ang PCG at ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) upang mailigtas ang mga stranded pasahero na nanggaling sa Hagnaya Port sa Cebu.
Samantala, nahirapan namang maglayag ang isa pang barko, ang Lite Shipping, dahil pa rin sa malakas na hangin at malalaking alon, nitong Biyernes ng gabi.
Apat na katao na dadalo sana sa isang piyestahan sa Hilantagaan Island, Cebu, ang na-rescue ng DRRMO ng Bantayan Island makaraang pumalya ang makina ng sinasakyan nilang pump boat habang naglalayag sa gitna ng karagatan.
(Argyll Cyrus B. Geducos)