Nagsampa kahapon ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si retired Police General Wally Sombero laban sa dalawang sinibak na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sinasabing nangikil ng P50 milyon sa online gaming tycoon na si Jack Lam.
Kinasuhan ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) sina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles.
Ayon kay Sombero, tumanggap umano sina Argosino at Robles ng P50 milyon mula kay Lam kapalit ng pagpapalaya sa 600 sa 1,316 na Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga.
Naiulat na si Sombero ang tumatayong “middleman” para kay Lam, na nakabase sa Macau.
Una nang itinanggi nina Argosino at Robles na kinotongan nila si Lam at iginiit na nagsasagawa lang sila ng imbestigasyon sa ilegal na gawain nito sa bansa.
Kasabay nito, isinailalim na rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sina Argosino at Robles sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).
“This is to ensure that every person of interest in the on-going investigations being conducted by the Bureau of Immigration (BI), the National Bureau of Investigation (NBI) and the National Prosecution Service (NPS) will be readily available to present their side of the story,” paliwanag ni Aguirre.
May ILBO rin laban sa sinibak na BI intelligence chief na si Charles Calima Jr. at sa tauhan nitong si Edward Chan, gayundin kay Sombero, na sinasabing pawang nakinabang sa P50 milyon mula kay Lam.
Sa kainitan ng usapin, nanawagan si Senate President Pro-Tempore Franklin M. Drilon para sa isang malawakang balasahan sa BI, alinsunod sa kanyang Senate Resolution No. 256. (Beth Camia, Jeffrey Damicog at Leonel Abasola)