ANG kahanga-hangang pagsulong ng ekonomiya ng Cebu ay bunga ng matagumpay nitong pagpapakilos ng pangkaunlarang makinarya kasama ang turismo, pamumuhunan, mahuhusay na propesyunal at manggagawa, at sa malikhaing diwa ng pagnenegosyo ng mga Sugbuanon.
Ang Cebu City bilang pangunahing lungsod ng Pilipinas ay bunga ng “matalinong pagpapalago,” na gawa ng magagaling na lider na nagpakilos ng mga makabagong kaisipan at pagtutok sa mga tiyak na layunin at mga hakbang na nasusukat ang mga resulta.
At tunay ngang nakakagulat ang katotohanan na ang ganitong tipo ng liderato, na nagbigay sa Cebu ng bagong direksiyon patungo sa kaunlaran, ay nagmula sa angkan ng mga Osmeña na sumasagisag sa matagal nang kapangyarihan at tradisyon, at nanatili ang pamumuno sa lipunan at pulitika ng Cebu mula pa noong dekada ‘40 nang itinatag ng dakilang patriyarkang Osmeña, si Don Sergio Osmeña ang Partido Nacionalista at nanalo siyang Pangulo ng Pilipinas.
Ang anak ni Don Sergio Osmeña, si dating Senador Sergio “Sergin” Osmeña, isa sa mga nangungunang ekonomista, ang nagpasimula sa kaunlaran ng Cebu City at Central Visayas sa pamamagitan ng pagtatatag ng unang Mandaue-Mactan Bridge at ng Mactan airport, na kamakailan lamang ay pinangalanang Asia Pacific Regional Airport of the Year ng CAPA-Center for Aviation sa Singapore.
Ang anak ni Serging, na si Tomas o “Tommy,” ang kasalukuyang mayor ng Cebu City. Siya at ang pinsan niyang si Emilio Mario “Lito” Osmeña, ang unang tagasulong ng pederalismo sa bansa, ang kilalang mga tagapanguna sa pagbabago na nagbigay-daan sa kasalukuyang pagsirit ng ekonomiya ng Cebu.
Sa isang panayam kamakailan ng isang grupo ng mga media executive, sa pangunguna ni Anthony Cabangon Chua, publisher ng Business Mirror; nagbigay ng pahiwatig si Mayor Tommy Osmeña sa lihim ng mabilis na pag-unlad ng Cebu: “It’s keeping faith with our father, Serging’s philosophy of anticipating the problem and providing the solution.”
Noong huling bahagi ng dekada ‘80 at unang bahagi ng dekada ‘90, si Tommy, na may Agricultural Economics degree, matapos niyang manungkulan sa SEROS Inc. at Import-... Export Bank ng America, binalangkas niya ang pagiging autonomous haven ng Cebu para sa malalaking negosyo at pagsulong nito hanggang masapawan nito ang pangunguna ng Imperial Manila sa pulitika at kalakalan.
Pinangungunahan ngayon ni Cebu City Mayor Tommy, dating 2-term Cebu congressman, ang isang kilusan na may layuning lumikha ng isang “environment of emerging leaders who can develop strategic visions, build teams and remove stumbling blocks that hinder true corporate unity, the key to the full flowering of Cebu as a leading catalyst for economic progress.” (Johnny Dayang)