TAHASAN ang pagtanggi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya ay isang killer. Ito ay taliwas sa bintang ng kanyang mga kritiko at kalaban sa pulitika. Nasa banner story ng mga pahayagan noong Disyembre 13 ang pagpalag niyang siya ay mamamatay-tao sa kabila ng pagpupumilit ng kanyang mga kalaban na siya ay serial killer bunsod ng mahigit na sa 5,000 tao ang napapatay sa kanyang drug war sapul nang maupo bilang pangulo ng bansa.
Matindi ang pagbatikos sa kanya dahil umano sa waring pag-eendorso pa sa mga pulis na barilin ang mga drug pusher, user at lord (may naitumba na ba maliban kay Mayor Rolando Espinosa?) kapag sila’y nanlaban o kumasa sa raiding team. Siyempre pa, laging ang katwiran ng mga pulis ay nanlaban kaya nila binaril. Eh, sino ang maniniwala sa kanila gayong kahit sa loob ng bahay, natutulog ang mga drug suspect ay binabaril nila? At, sino ang tetestigo na hindi nanlaban ang mga biktima eh, parang nakasandal sa pader ang mga pulis dahil kakalingain sila ni Mano Digong?
Binabanatan si Pres. Rody sa ganitong situwasyon sapagkat parang mga manok at “sitting ducks” ang pagbaril sa mga tulak at adik na karamihan ay nakatsinelas lang samantalang ang big-time drug lords ay hindi makapa sa sinalakay na shabu laboratories tulad sa Arayat, Pampanga at Cagayan. O kaya naman, sila ay dinadakip, hindi agad binabaril at binibigyan pa ng tsansa na ipagtanggol ang mga sarili, ‘di tulad ng ordinaryong pushers at ushers na basta binabaril agad.
Sabi nga ng mga kaibigan kong sina Sultan Abdul at Melo A, parang may diskriminasyon din sa drug war ng Du30 administration dahil hayagang binabaril ang ordinaryong mga tulak at adik, pero hinuhuli nang buhay ang mga “panginoon ng droga”. Gayunman, binantaaan din ng pangulo ang mga pulis (ninja cops) at kawal na babarilin niya ang sino man na sangkot sa drugs o kaya’y pumatay at nag-torture ng mga inosenteng sibilyan. Eh, bakit tinawagan niya si Gen. Bato na ibalik sa puwesto sina PNP Region 8 CIDG chief Supt. Marvin Marcos na iniuugnay nina Mayor Espinosa at Kerwin Espinosa sa droga sa Region?
“I am not a killer. I do not relish or enjoy seeing a Filipino sprawled there with all the blood,” pahayag ni Du30 sa The Outstanding Young Men and Women Awards sa Malacañang. Eh, paano ‘yung sinasabing Davao Death Squad (DDS) nang siya pa ang mayor ng lungsod na nakapatay umano ng 1,000 katao? Papaano rin ang umano’y mahigit 5,000 pusher at user na napatay ng mga pulis, vigilantes, riding-in-tandem at syndicates? Kung wala siyang ibinigay na garantiya sa mga pulis na hindi sila papayagang makulong, baka hindi nangyayari ang araw-araw na pagpatay.
Siyanga pala, ako ay tagahanga ng magagandang dilag. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nakasusulat ako ng mga tula. Nais ko mang makita at mapanood nang personal ang magagandang babae sa iba’t ibang bansa, kabilang ang sa ‘Pinas, hindi ako makapanonood nang personal sapagkat ang presyo ng ticket ay “astronomical” ‘ika nga sa English.
Alam ba ninyong ang isang tiket (huminga muna kayo nang malalim) ay mula sa P8,000 (pinakamura )hanggang P50,000 (parasa VIP). Sabi ng isang FB friend ko, ipambibili na lang niya ng bigas, pagkain at gamot ang gayong halaga.
Manood na lang tayo sa TV, mga kababayan! (Bert de Guzman)