Limang miyembro ng Maute terror group ang napaulat na nasawi makaraang makasagupa ang ilang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Camp Cararao Complex sa mga bayan ng Buldon at Barira sa Maguindanao, iniulat kahapon.

Ayon kay Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) spokesman at MILF Civil Military Affairs Chief Von Alhaq, tinatayang nasa 50 tauhan ng Maute ang nakaengkuwentro ng MILF sa Camp Cararao.

Iniulat naman ang pagkasawi ng limang terorista, ayon sa mga opisyal ng militar at pulisya.

Sinabi ni MILF Vice Chairman for Military Affairs Von Al Haq na ilan din sa Maute ang nasugatan sa bakbakang nagsimula nitong Biyernes ng umaga, batay sa ulat ng mga mandirigma ng MILF.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“They were trying to cross the border obviously to avoid the military operations in Butig,” sinabi ni Maj. Gen. Carlito Galvez Jr., commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, sa mga mamamahayag.

Tiniyak naman ni Al Haq na hindi papayagan ng MILF na makapasok sa kanilang teritoryo ang mga terorista, lalo na ang Maute Group.

Batay sa kasunduan ng gobyerno at MILF, magtutulungan ang huli at ang militar laban sa mga kriminal at teroristang papasok sa mga komunidad na saklaw ng MILF.

Nagpakalat na rin ng karagdagang puwersa ang 6th ID, sa pakikipagtulungan ng MILF, sa Barira at Buldon laban sa pinaniniwalaang plao ng Maute na pasukin ang Maguindanao ngayong patuloy ang pagtugis ng militar sa grupo ng mga terorista sa Butig, Lanao del Sur. (Fer Taboy at ng PNA)