Apat na lalaki, na pawang hinihinalang tulak ng droga, ang patay makaraang manlaban sa magkahiwalay na buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Jones Bridge sa Binondo at sa Paco sa Maynila, nabatid kahapon.
Sa ulat ni Supt. Amante Daro, hepe ng MPD-Station 11 (Meisic), nabatid na dakong 11:00 ng gabi nitong Lunes nang manlaban at mapatay sa buy-bust operation sina Cyril Raymundo, 29, na target ng operasyon; Eduardo Aquino, 44; at Edgar Cumbis, 47, pawang taga-Delpan Street sa Binondo.
Nabatid na nagkaabutan na ng pera at shabu sina Raymundo at ang poseur buyer na si PO2 Warren Castillo nang makatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon.
Dahil dito, kaagad na bumunot ng baril ang mga suspek at nakipagbarilan sa mga awtoridad na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.
Nakumpiska umano mula kay Raymundo ang tatlong plastic sachet ng shabu, P500 marked money, at isang improvised break-open type pistol na kargado ng bala, habang si Aquino naman ay nakuhanan ng anim na plastic sachet ng shabu at isang .22 caliber revolver, at si Cumbis naman ay nasamsaman ng tatlong plastic sachet ng shabu at isang .38 caliber revolver.
Ayon kay Chief Insp. Leandro Gutierrez, hepe ng Station Anti-Illegal Drug-Special Operation Task Unit ng MPD-Station 11, ang grupo ni Raymundo ang nagbebenta ng ilegal na droga sa Delpan, Sta. Cruz, Parola at Escolta sa Maynila, at kabilang din sa drugs watchlist ng MPD.
Samantala, iniulat naman ni Supt. Jerry Corpuz, officer-in-charge (OIC) ng MPD-Station 6 (Sta. Ana), na dakong 2:20 ng umaga nang mapatay sa buy-bust si Christopher Barcenas, nasa hustong gulang, sa loob ng kanyang bahay sa Onyx Street sa Paco.
Sa imbestigasyon ni PO2 Sigmur John Muros, nakahalata umano si Barcenas nang sumignal ang poseur buyer na si PO1 Jayson Niegos sa mga kasamahan nito at nanlaban ngunit naunahan siya ng mga pulis.
Narekober mula sa suspek ang anim na plastic sachet ng shabu, anim na plastic sachet ng marijuana, isang .38 caliber revolver at P200 marked money. (Mary Ann Santiago)